CEBU CITY – Hindi dapat na mabahala ang Cebuano sa nag-iisang kumpirmadong kaso ng Zika sa Cebu City, ayon sa Department of Health (DoH) sa Central Visayas.
Sinabi ni DoH-Region 7 Director Jaime Bernadas na walang dapat ipangamba sa kumpirmadong kaso ng Zika sa Cebu kumpara sa dengue, dahil nakamamatay ang huli.
“There’s nothing to be scared about. Dengue is even more severe than the manifestations of Zika. There is no such thing as severe forms of Zika,” ani Bernadas.
Isang 22-anyos na babae ang unang kaso ng Zika sa Cebu City, na nakumpirma nitong Lunes ng hapon.
Bukod sa bagong kaso sa Cebu, may pitong iba pa sa Iloilo at isa sa Laguna, kaya sa kabuuan ay may siyam na kaso na ng Zika sa Pilipinas ngayon. Ang lahat ng mga kaso ay iniulat ng Research Institute for Tropical Medicine ngayong Setyembre.
Ayon kay Bernadas, nakalabas na sa ospital ang pasyente at pinayuhan ang pamilya nito na doblehin ang pag-iingat at tiyaking hindi ito muling makakagat ng lamok upang maiwasang kumalat ang sakit.
Sinabi pa ni Bernadas na mas mahalagang patuloy na magpursige ang publiko sa pag-iwas sa dengue—na gaya ng Zika ay dulot ng kagat ng lamok—sa halip na maalarma sa kumpirmadong kaso ng Zika, dahil mas nakakatakot ang dengue dahil nakamamatay ito.
Gayunman, nilinaw niyang ang mga buntis lamang, o nagpaplanong magbuntis ang dapat na mag-ingat na dapuan ng Zika.
“If you are pregnant, do not go around in areas where there are may mosquitos. Take some form of isolation and avoid going into places where mosquitoes breed,” ani Bernadas.
Ibinunyag din naman ni Bernadas na batay sa mga datos na nakalap ng mga health official sa Asia, wala pang naiulat na anumang kumplikasyon sa mga fetus o bagong silang sa buong rehiyon. (Mars W. Mosqueda, Jr.)