Arestado ang isang dental secretary makaraang ireklamo ng pagnanakaw ng kanyang amo na isang dentista sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Kasalukuyang nakadetine sa Manila Police District (MPD)- Station 3 ang suspek na si Odessa Cabillada, 28, ng 106 San Pedro Street, Tondo, Maynila matapos ireklamo ni Victoria Catalig, 55, may-ari ng isang dental clinic, at residente ng 1864 Sulu St., Sta. Cruz, Maynila sa pagnanakaw umano ng P964,000 sa kanyang account na ipinagkatiwala niya rito.

Nag-ugat ang reklamo ng biktima laban sa suspek nang tawagan siya ng branch manager ng kanyang bangko para ipaalam na dalawang tsekeng inisyu niya ang tumalbog dahil walang pondo.

Dahil dito ay kinumpronta ni Catalig si Cabillada at dito niya nakumpirma na hindi idinideposito ng huli ang mga pera na kanyang ipinapapasok sa bangko.

PH, una sa Asya sa paggamit ng blockchain sa budget; una sa mundo na may on-chain nat'l budget—DICT

Kaagad ding humingi ng tulong ang dentista kay SPO4 Alex Santos ng MPD-Station 3, na siyang umaresto sa suspek, ngunit hindi na nabawi pa ang mga ninakaw na pera.

Taong 2009 pa nang maging sekretarya ni Catalig ang suspek kaya nakuha nito ang kanyang tiwala lalo na umano pagdating sa pera. (Mary Ann Santiago)