SIYEMPRE, ibabalik natin ang paborito nating pag-usapan...traffic!

Sa sobrang traffic, malamang ay inabutan na kayo ng matinding gutom at uhaw sa gitna ng nagsisiksikang sasakyan.

Kumukulo ang tiyan, nahihilo at umiinit ang ulo. Ito ang karaniwang nararamdaman ng mga motorista at commuter habang naiipit sa matinding traffic.

Habang hawak ang manibela ng kaliwang kamay at nakatapak sa preno ang kanang paa, hinahaluglog ng kanang kamay ang glove compartment kung mayroong natirang biscuit o tsitsirya upang may manguya.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Subalit walang makapang tsibug kaya napatingin na lang sa labas ng bintana ng sasakyan kahit wala namang tinatanaw, habang naiipit sa traffic at tinitiis ang gutom.

Matapos ang ilang oras, may kumalabog sa likurang bahagi ng sasakyan ni Boy Commute.

At nang kanyang tingnan ang rear view mirror, may nakita siyang isang lalaking nakatayo malapit sa kanang tail light ng kotse.

Agad na bumaba si Boy Commute at sinita ang lalaki na nakasuot ng kupas at punit-punit na kamiseta at maruming short pants.

May itinutulak na kariton ang lalaki na tumama sa bumper ng sasakyan ni Boy Commute.

“Ano ka ba? Tatanga-tanga ka naman!” bulyaw ni Boy Commute sa lalaki.

Bago pa man makapagsalita ang lalaki, bumulaga kay Boy Commute ang kanyang mga kalakal.

Sa ibabaw ng kariton nakalatag ang dalawang malaking dahon ng saging. At sa ibabaw ng mga ito ay iba’t ibang klase ng kakanin na tinakpan ng malinis na plastic.

May kutsinta, pitsi-pitsi, suman, puto, biko at iba pa.

Maayos at malinis ang pagkakahanay ng mga kakanin ng tindero.

Sa bawat sulok ay may mga latik at niyog na panghalo sa mga kakanin ng tindero.

Biglang kumalma si Boy Commute.

Dahil sa gutom, biglang kambyo si Boy Commute: “Pasensiya na brod, masama lang talaga ang gising ko.”

Muling ininspeksiyon ni Boy Commute ang bumper ng kanyang sasakyan. Wala itong tama o gasgas.

Sa pagbalik niya sa driver’s seat, chinika ni Boy Commute ang tindero habang wala pa ring galawan ang mga sasakyan.

Habang nag-uusap ang dalawa ay panay din ang lapit ng ibang motorista sa tindero upang umiskor ng kakanin. “Business is doing well” ‘ika nga.

Mantakin n’yo kung walang ambulant vendor na umaaligid sa trapiko, marahil ay nag-amok na si Boy Commute dahil sa matinding gutom.

At kung hindi nahagip ng kariton ng pobreng tindero ang kanyang sasakyan, marahil ay nag-blackout na rin si Boy Commute at ospital na ang kanyang kinahinatnan. (ARIS R. ILAGAN)