SETYEMBRE ang National Peace Consciousness Month o Peace Month, alinsunod sa Proclamation No. 675 na inilabas noong Hulyo 20, 2004, para ipalaganap ang kultura ng kapayapaan na walang karahasan, iginagalang ang pangunahing karapatan at kalayaan, tolerance, pag-uunawaan at pakikipagkaibigan.

Hatid ng kaganapan ang mensahe na ang pagsusulong ng kapakanan ng bansa at ng kapayapaan ay pananagutan ng bawat Pilipino, na hinihimok na magbigay ng kontribusyon sa pagkakamit ng makatarungan at pang-habambuhay na kapayapaan ng bansa. Nakatuon ang administrasyon ni Pangulong Duterte para magbigay ng tunay na kapayapaan; dapat ding gawin ng mga tao ang kanilang bahagi para sa pagsasakatuparan sa nasabing pangarap.

Nakikipag-ugnayan ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), na pinamumunuan ni Secretary Jesus G. Dureza, sa mga pambansa at lokal na ahensiya, akademya, at civil society groups para sa Peace Month.

Ang Setyembre ay Peace Month dahil ang mahahalagang pangyayari para makamit ang kapayapaan ay naganap sa nasabing buwan. Kabilang dito: Setyembre 1, 1992 — pagkakatatag sa National Unification Commission (NUC) na nagpatibay sa komprehensibong prosesong pangkapayapaan; Setyembre 2, 1996 — paglagda sa Final Peace Agreement sa pagitan ng gobyerno at ng Moro National Liberation Front; Setyembre 12, 1996 — proklamasyon ng National Day of Prayer and Reconciliation; Setyembre 13, 1986 — paglagda sa Mt. Data Sipat o kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Cordillera People’s Liberation Army; Setyembre 15, 1993 — ang pagkakatatag sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP; Setyembre 19, 2000 — ang paglulunsad sa 2001-2010 International Decade for Culture and Peace and Non-violence for the Children of the World; at Setyembre 21, 2000 — ang deklarasyon ng United Nations International Day of Peace.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tinutukoy ng Proclamation No. 675 ang Six Paths to Peace: Mga reporma sa lipunan, ekonomiya at pulitika upang matugunan ang pangunahing sanhi ng mga armadong karahasan at kaguluhan; pagsusulong ng pagkakasundu-sundo at pagpapairal ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikibahagi ng mamamayan; mapayapang pakikipagnegosasyon sa mga rebeldeng grupo; mga programa para sa muling pagkakasundo, pagbabalik at muling pamumuhay sa lipunan at rehabilitasyon ng mga dating rebelde at kani-kanilang komunidad; pagtugon sa mga usaping dulot ng armadong paglalaban, gaya ng pagbibigay ng proteksiyon sa mga hindi mandirigma at pagsisikap na mabawasan angg epekto nito sa mga komunidad; at pagpapatibay at pagpapanatili sa kapayapaan sa pamamagitan ng edukasyon at mga hakbanging para sa buong kumpiyansang pagsasakatuparan nito.