Isang commercial flight ng Saudia Airlines ang inihimpil sa hiwalay na lugar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon kung saan ‘under threat’ umano ito.
Habang sinusulat ang balitang ito, namataan ang police anti-hijacking operatives sa lugar.
Nagmula ang Saudia Airlines flight SVA 872 sa Jeddah at lumapag dakong 3:00 pm sa NAIA at agad na inilagay sa total isolation sa secluded portion ng Runway C-06.
Sakay ng eroplano ang 300 pasahero, na karamihan ay nanggaling sa Haj pilgrimage sa Saudi Arabia.
Ayon sa inisyal na ulat, nakatanggap ang Manila International Airport Authority (MIAA) Emergency Services Department ng advise mula sa Manila control tower na “under threat” ang flight, 20 milya bago lumapag ang eroplano sa paliparan.
Gayunman, makalipas ang ilang oras ay napaulat na kinumpirma ni MIAA General Manager Ed Monreal na nagkamali lang ng pindot ang crew ng eroplano kaya nakapagpadala ito ng distress call.
Agad namang pinababa ang mga pasahero, at bumalik na rin sa normal ang operasyon sa paliparan. (Martin A. Sadongdong)