Hindi na susuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga national sports associations (NSA’s) na dumaranas sa ‘leadership dispute’ habang iginiit sa mga sports leader na alamin ang kanilang responsibilidad para sa atleta at sa sports sa kabuuan.
Personal na nakausap ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang mga lider ng iba’t ibang NSA sa isinagawang pagpupulong kahapon sa Century Park Hotel Ballroom.
Niliwanag ni Ramirez na ang pagpupulong ay katulad sa kalsada na may interseksiyon kung saan puwedeng dumaan ang bawat isa at maayos ang takbo at direksiyon para makamit ang ninanais nitong tagumpay.
“The meeting is aimed just for the implementation of law and new policies although we still want to know what will be needed and provide for the good of sports,” sabi ni Ramirez.
Gayunman, hindi naiwasan muli ang matinding balitaktakan sa pulong partikular sa pagitan ng Philippine Swimming League (PSL) at Philippine Swimming Incorporated (PSI) habang nalantad din ang gusot sa iba’t-ibang NSA’s tulad ng volleyball, dragon boat at bowling,
“Kung hindi magkakasundo ang nagkakagulong NSA’s, wala tayong magagawa diyan kundi putulan ng suporta,” pahayag ni Ramirez.
Kabilang sa tinalakay na isyu sa pulong ang (1) Unliquidated cash advances, (2) recognized at unrecognized National Sports Associations (NSA’s), (3) Implementation of RA 6847, at ang (4) presentation and deliberation of NSA’s budget on October 24 to 29, 2016.
Naging sentro rin ng usapin ang (5) Standard Government Accounting and Auditong Rules, (6) Realignment of Previously Approved Budget, (7) Required Number of Days in Submitting Request Letter to PSC (2 months before the event), at ang Monitoring system on the Training of Elite Athletes. (angie oredo)