SA wakas ay naabsuwelto na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kaso na naging dahilan ng pagkakakulong niya nang ilang taon. Pinaspasan ng Sandiganbayan Fourth Division ang kaso nang igawad nito ang demurrers to evidence na inihain ng dating Presidente, ng asawa nitong si Jose Miguel Arroyo, at ni dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.
Ang mga demurrer ay mga mosyon na inihain ng depensa makaraang matapos na ang prosekusyon sa kaso. Ayon sa mga mosyon, iginiit ng prosekusyon na ang $329-million na kasunduan ng National Broadband Network (NBN) sa ZTE Corp. ng China ay hindi pabor sa gobyerno ng Pilipinas at nakipagsabwatan ang akusado upang maigawad ang kontrata. Ang totoo, mismong si Pangulong Arroyo ang nagkansela sa kontrata noong 2007, bago pa naihain ang kaso.
Kinasuhan din si Pangulong Arroyo sa isa pang kaso ng maling paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Sa kasong ito, nagsipaghain ang mga abogado ni Arroyo ng mga mosyon para sa demurrer of evidence at nang tanggihan ng Sandiganbayan First Division ang kanilang mosyon, dumulog sila sa Korte Suprema, na kumatig sa kanilang posisyon at kalaunan ay ibinasura ang kaso.
Napawalang-sala si dating Pangulong Arroyo sa mga kasong ito, ayon sa kanyang mga abogado. Maayos na natuldukan ang usapin. Ngunit inabot pa ito ng apat na taon, sa panahong ipinagkait na sa dating Presidente ang kanyang kalayaan, hindi na nakadalo sa mga sesyon ng Kamara de Representantes na roon ay naihalal siya, at pinagkalooban lang ng limitadong panahon upang makapagdiwang ng Pasko kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa kanyang bahay sa Quezon City. Dahil sa kanyang kalagayang medikal, ginawaran siya ng hospital detention sa V. Luna General Hospital, ngunit pagkakapiit pa rin ito.
Ang pagpapanatili ng pagiging inosente sa lahat ng prosekusyon sa krimen ay isa sa mga pangunahing karapatan ng mamamayan, alinsunod sa Bill of Rights ng ating Konstitusyon. Ang lahat ay may karapatang makapagpiyansa maliban sa mga kaso na may katapat na parusang reclusion perpetua, o habambuhay na pagkakabilanggo, na napatunayan ang katotohanan sa malakas na ebidensiya. At dahil batay sa batas ay may katapat na parusang reclusion perpetua ang pandarambong ng P50 milyon at higit pa, ipiniit si Pangulong Arroyo at hindi pinahintulutang magpiyansa.
Tunay na napawalang-sala si dating Pangulong Arroyo sa pagkakabasura ng mga kaso laban sa kanya. Ngunit hindi kailangang umabot sa apat na taon ang pagpapawalang-sala. Marapat na magpatupad ng mga reporma ang Korte Suprema at Kongreso sa prosesong legal, upang ang isang akusado — opisyal man o hindi — ay mabigyan ng pinakamalaking posibilidad upang matamo ang kanyang karapatan na maituring na inosente hanggang sa mapatunayan ang pagkakasalang ibinibinta sa kanya.