SA tradisyon ng mga Kristiyano, nakasalalay sa kamay ng mga katekista ang pananampalataya ng mga naniniwala kay Hesukristo. Ang tungkulin ng isang katekista ay maibahagi sa ibang tao ang mensahe ni Hesus. Simula sa mga sinaunang komunidad ng Kristiyano, naging mahalaga ang misyon ng mga guro sa pananampalataya. Ngayon, kinikilala ang mga katekista bilang “backbone of the church” dahil kung wala sila, sino ang magpapakilala kay Hesus sa mga tao? Sino ang gagabay sa kabataan para makilala ang Diyos na buhay? Sino ang sasama sa kanila para mamuhay para kay Hesus? Sino ang tutulong sa mga magulang na magturo ng mga Kristiyanong kaugalian sa kanilang mga anak?

Ngayon, habang ang simbahan ay nasa panahon ng “New Evangelization,” ang panahon na ang proklamasyon ng ebanghelyo ay dapat maibahagi sa mga tao nang masigasig at buong sigla, nangunguna sa misyong ito ang mga katekista. Inihayag ni Pope Francis: “The heart of a catechist always beats with this systolic and diastolic movement: union with Christ — encounter with others. Both of these: I am one with Jesus and I go forth to encounter others. If one of these movements is missing, the heart no longer beats, it can no longer live.”

Ang Setyembre ang National Catechetical Month sa Pilipinas at sa iba pang Katolikong bansa. Ito ang pinakamainam na oportunidad para magbigay-pugay sa mga katekista na inialay ang kanilang buhay para sa misyon na ipakilala at ibahagi ang ebanghelyo ng Diyos sa maraming tao. Sila ang mga tao na ang puso ay tumitibok para kay Hesus at sa mga tao.

Panahon din ito para mapagtanto na tayo rin ay tinawag para maging mga katekista — maging tagapaghatid ng mabuting balita at maipakilala si Hesus at mahalin ng lahat. Bawat Kristiyano ay tinawag para maging katekista. Lahat ay bininyagan para maging tagapagpakalat ng ebanghelyo.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “On Bended Knees: Catechesis for the Jubilee of Mercy.” Ang katekista ang nagpoproklama sa hindi masusukat na pagkahabag ng Diyos sa lahat ng tao. Ang katekista ay kumakatawan din sa Divine Mercy.

Habambuhay tayong magpapasalamat sa ating mga guro sa pananampalataya sa pagtulong sa atin upang maging malapit kay Hesus, na ating buhay. Nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa regalong handog ng mga katekista. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa patuloy na pagtawag at pagpapalakas sa mga Kristiyano para ipakalat ang mensahe ng pagkahabag ng Diyos sa sanlibutan.