Bistado sa panloloko ang isang lalaki nang bentahan umano ng pekeng iPhone ang isang cashier sa loob ng isang mall sa Binondo, Maynila kamakalawa.
Kinasuhan na ng swindling si Anthony Cantiveros, 24, may asawa, walang trabaho, at residente ng 986 Arlegui Street, Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Manila Police District (MPD)-Station 11 commander, Police Supt. Amante Daro, dakong 5:00 ng hapon nangyari ang transaksiyon sa pagitan ng biktima at suspek sa food court ng 999 Shopping Mall sa Claro M. Recto Avenue, Binondo, Maynila.
Ayon sa biktimang si Abegael Ann Paras, 31, cashier, ng 17 Cuyegking St., Pasay City, inalok siya ng suspek na bumili ng iPhone sa halagang P4,900 ngunit kalaunan ay nadiskubre niyang peke ito.
Inireklamo ng biktima ang suspek sa mga elemento ng Soler Outpost, na sina PO1s Stephen Somiani, Niño Cunanan at PO1 John Christopher Vicente.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at masuwerteng namataan ang suspek na nakumpiskahan pa ng dalawang tiles na nakabalot ng jelly case. (Mary Ann Santiago)