KUNG ilang beses nang nabigyan ng buhay ni Batangas Congresswoman Vilma Santos ang Darna. Ngayong napapabalitang tuloy na si Angel Locsin sa bagong reincarnation ng Pinoy superhero sa big screen under Star Cinema, walang anumang problema ito kay Ate Vi.
Isa pa, nagampanan na rin naman ito ni Angel sa TV series noong nasa GMA-7 pa siya.
“Matagal din naman niyang gustong gawin ‘yun, ‘di ba? Kung si Angel na nga ang gaganap, why not, ‘di ba? Kung sa kanya na talaga mapupunta, eh, good for her,” banggit ng Star for All Seasons nang makausap namin nang tumanggap siya ng parangal sa Luna Awards.
Dagdag pa ni Ate Vi, alam naman daw niyang marami na ring ginawang sakripisyo si Angel para sa nasabing role.
Ano ang mensahe ni Ate Vi sa dating kasintahan ng anak niya?
“Well, good luck to her. Si Gel naman, eh, gagawin na tiyak ang makakaya niya para sa role niyang ‘yun,” sey ni ate Vi.
Kaya lang, mukhang sasalto ang interbyung ito kay Ate Vi.
May nasagap kasi kaming intriga kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring reaksiyon mula kay Angel tungkol sa balitang siya pa rin ang napiling gumanap sa Darna.
Ang siste pala kasi, wala pa rin namang kumpirmasyon from Star Cinema na siya na nga ang talaga.
Ayon sa isang source namin, hindi pa rin daw 100 percent na kay Angel na nga mapupunta ang inaasam-asam ng lahat ng aktres. Banggit pa ng source, sa huling meeting daw ng mga taga-Star Cinema, Reality Films at ang magdidirek ng project na si Erik Matti, may pangalan ng isang Kapamilya actress pa ring lumutang at malaki ang posibilidad na iyon ang totoong final choice nila for Darna, huh!
“Si Liza Soberano ang isa sa napag-usapan na maaaring sumunod na Darna, kaya na hindi pa rin talaga ma-confirm ng mga producer na si Angel na nga,” sey pa ng source namin.