NITO lamang weekend, isang brown envelope ang dumating sa bahay mula sa koreo na naglalaman ng tig-isang sipi ng hard-bound na aklat at pahayagang Masa na inilalathala ng Office of the President sa ilalim ng Presidential Communication Office (PCO).
Dahil nasorpresa, dali-dali kong binuksan upang malaman kung sino ang nagpadala nito. Sa ikalawang pahina ng aklat na may pamagat na The Real Ghost Hunt, ay may sulat kamay na dedication para sa akin, “To Dave, sa aking unang ama sa larangan ng pamamahayag.”At gaya nang nakagawian na ng isang taga-media, kapag bago sa paningin ang isang pahayagan, agad kong hinanap ang staff box sa EDITORIAL PAGE upang malaman kung sino ang editor-in-chief nito.
Ang dalawang babasahing dumating ay kapwa “anak” ng isang alam kong responsableng mamamahayag na may humble beginnings – si Benjie Redondo Felipe na mas kilala bilang ang kolumnistang si Tsongki Benj – at ito ang mula “Janitor to Editor” na kuwento ng kanyang buhay na minsan na niyang naibahagi saamin sa Philippine Journalist Inc (PJI).
Dekada ‘80, police reporter ako ng People’s Journal nang makilala ko si Benjie, isang tahimik, mahiyain at masipag na janitor sa PJI sa Port Area, Intramuros, Maynila. Stay-in sila ng mga kapwa niya janitor sa PJI at ang tinutulugan nila ay isang malaking espasyo sa may lugar ng kisame.
Nang nalaman kong isa pala siyang communication student na mahilig ding magsusulat at umarte sa stage show, binuksan ko ang “pinto” ng newsroom para sa kanyang ambisyong maging isang mamamahayag at kolumnista. Natural si Benjie, madali siyang makakuha ng mga kaibigan kaya’t di nagtagal pati mga editor namin ay pinagtitiwalaan na rin siya.
Mula sa pagiging janitor, naging utility boy siya ng mga desk editor, reporter, hanggang sa maging copy boy. Nang lumipat ako sa ibang pahayagan ay nawalan na ako ng balita tungkol sa kanya – hanggang sa nalaman ko na lang nang magkita kami sa Camp Crame matapos ang halos 20 taon, na isa na pala siyang segment writer sa ABS-CBN at may sariling programa sa radio
Pumalaot na nang todo sa larangan nang pamamahayag si Benjie at ang pinakahuling balita na narinig ko tungkol sa kanya ay lumipat siya sa TV-5 at doon ay naging segment writer din siya ng Tulfo brothers at nitong huli, ni Martin Andanar na nahirang naman bilang pinuno ng PCO sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)