Pinagbabaril hanggang sa napatay ng mga armado ang isang lalaki sa mismong riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang may katamtamang pangangatawan, nakasuot ng pulang t-shirt, itim na maong shorts, at tsinelas, at may tattoo na “Ador Ester” sa kaliwang balikat.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 8:30 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Dagupan Extension, sa kanto ng Raxabago Street, Tondo, Maynila.
Nakarinig umano ang mga tao sa lugar ng sunud-sunod na putok ng baril at maya-maya’y namataan ang duguang biktima na pilit tumatakbo.
Ngunit dahil sa tama ng bala sa katawan ay hindi na nagawa pang makatakbo ng biktima at tuluyang bumulagta at namatay.
Ayon sa mga awtoridad, lumilitaw na dayo lamang sa lugar ang biktima kaya’t walang nakakakilala sa kanya.
Bigo rin naman ang mga pulis na makahanap ng testigo na makapagbibigay ng detalye sa nangyaring pamamaril at kung sino ang nasa likod nito.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)