Tiniyak kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maayos ang lagay ng karamihan sa mga natitirang bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG), batay sa natanggap nilang intelligence reports.

Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, hawak pa rin ng bandidong grupo ang 16 na bihag—12 ang dayuhan at apat ang Pilipino.

Sinabi pa ni Padilla na batay sa impormasyong tinanggap mula sa mga military commander sa Sulu, nagwatak-watak sa maliliit na grupo ang Abu Sayyaf, na nasa 200-300 ang miyembro, upang mas madali ang pagtakas mula sa matinding opensiba ng militar.

Aniya, pinaghiwa-hiwalay din ang mga bihag para mas mabilis ang pagkilos ng mga bandido laban sa mga tumutugis na sundalo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“We believe that most of these hostages are still in good condition and that's what we are aiming to accomplish, to rescue them or recover them safely,” sabi ni Padilla.

“The hostages are held by different leaders in their desire to stay alive, to survive as a result of the intense military operations,” dagdag pa niya.

Muli namang iginiit ng militar na ang pinaigting na opensiba ng militar laban sa ASG ang dahilan sa pagpapalaya ng huli sa pitong bihag nito sa nakalipas na mga araw.

Biyernes ng gabi nang palayain ng Abu Sayyaf ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, na sinundan ng pagpapalaya sa tatlong mangingisdang Indonesian na sina Lorens Koten, Teodurus Kofung, at Emmanuel nitong Sabado.

Linggo ng gabi naman nang palayain ng ASG ang dalawang Pinoy na sina Daniela Taruc at Levi Gonzales, gayundin ang isa pang Indonesian na si Hernan Bin Manggak.

NEGOSYANTE DINUKOT

Samantala, kinumpirma din kahapon ng pulisya na isang 60-anyos na babaeng negosyante ang dinukot sa Sirawai, Zamboanga Del Norte, nitong Lunes ng hapon.

Batay sa ulat ng Zamboanga Del Norte Police Provincial Office, dakong 3:00 ng hapon nang dukutin si Martina Yee ng anim na armadong lalaki mula sa kanyang grocery store.

Ayon sa pulisya, isinakay sa speedboat ang biktima patungo sa bayan ng Sibuco sa Zamboanga City.

Sa pahayag ng Western Mindanao Command ng AFP, wala pang grupo na umaako sa pagdukot kay Yee bagamat kinumpirma ng militar na kumikilos na ito upang ligtas na mabawi ang negosyante sa mga suspek. (Francis Wakefield at Fer Taboy)