Love triangle ang tinitingnang anggulo ng awtoridad kaugnay sa pamamaril ng isang lalaki sa dati niyang kasintahan sa Parañaque City, nitong Lunes ng hapon.
Nilalapatan ng lunas ang biktimang si Lycie Floralde, nasa hustong gulang, ng Cherry East Block 6, Barangay Sun Valley ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.
Pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na si Alvin Carinan, alyas “Kambal”, nasa hustong gulang, dating nobyo ni Floralde.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Jose Carumba, dakong 4:00 ng hapon nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Edison Avenue at West Service Road Bgy. Sun Valley.
Masayang nakikipag-usap ang babae sa kanyang mga kaibigan sa pinangyarihan nang sumulpot umano si Carinan na galit na galit at kinumpronta si Floralde.
Sa kainitan ng kumprontasyon, nagbunot ng baril si Carinan at walang-awang binaril ang dating kasintahan at agad tumakas matapos ang insidente.
Dinala si Floralde ng kanyang mga kaibigan sa ospital upang malapatan ng lunas.
Sinasabing may iba nang napupusuan ang biktima na posible umanong ikinagalit ng suspek na humantong sa pamamaril.
(Bella Gamotea)