MALAPIT ang puso ni Alden Richards sa mga taong may sakit na cancer, dahil ito ang sakit ng kanyang Mommy Rio na maaga silang inulilang magkakapatid.
Seventeen years old pa lamang siya nang pumanaw ang kanyang ina kaya hindi siya nakapagpatuloy ng college at inuna niya ang pagtulong sa ama para buhayin ang kanilang pamilya.
Kaya kahit gaano man ka-busy ang schedule basta inimbita si Alden sa mga okasyon na may kinalaman sa awareness tungkol sa paglaban sa cancer, dumarating siya kahit makita lamang siya ng mga maysakit.
Minsan na kaming naimbitahan ng Alden Nation nang mag-thanksgiving lunch sila para sa cancer survivors na hindi kinalimutang puntahan ni Alden. Minsan naman, magkasama pa nilang pinagbigyan ni Maine ang request ng ama ng isang batang may cancer na naka-confine sa Philippine Children’s Hospital.
At nitong nakaraang Linggo, Setyembre 18, kahit puno rin ang schedule ni Alden dahil may Sunday Pinasaya siya, hindi siya tumanggi sa imbitasyon ng Simply Alden na may 15 chapters, sa first outreach nila sa Bahay Aruga sa San Marcelino, Manila.
Ang Bahay Aruga ay free halfway house for pediatric cancer patients na pinamamahalaan ni Ms. Marietta B. Bonilla.
Tamang-tama naman na ang September pala ay Childhood Cancer Awareness Month, kaya nagpasalamat siya sa may mabubuting puso na napili silang tulungan, tulad ng Simply Alden. May 30 pediatric patients sila roon.
After ng Sunday Pinasaya, unang pinuntahan ni Alden ang Bahay Aruga kahit may kasabay itong isa pang event na dapat din niyang daluhan. Alam niyang may oras ang mga bata para makipagkita sa mga bumibisita sa kanila. Kaya tuwang-tuwa ang mga bata na sabi kay Alden nang makita siya: “Ang pogi mo po, Kuya.” Nagbigay ng message si Alden sa mga bata, sinabihang huwag mawawalan ng pag-asa at magdasal para sa kanilang paggaling.
“Gusto ko pagbalik ko rito, makita ko kayong muli,” sabi pa ni Alden.
Nagtagal pa si Alden kasama ng mga bata na nakipag-photo-op sa kanya, pati na rin ang parents at volunteers ng Bahay Aruga. Nagpasalamat si Alden sa members ng Simply Alden sa kanilang good endeavours. Nagpasalamat din ang grupo na hindi binigo ni Alden ang mga bata na makita siya nang personal, bago tumuloy ang actor sa Boardwalk event niya sa Ynares Coliseum sa Pasig City. (NORA CALDERON)