BEIRUT (AP) – Isinisi ng United States noong Martes sa Russia ang pag-atake sa isang aid convoy na ikinamatay ng 20 sibilyan kasabay ng pag-anunsyo ng U.N. na ipinatitigil nito ang overland aid deliveries sa Syria.
Hindi pa rin malinaw kung sino ang nagpasabog sa convoy, ngunit iginiit ng White House na isa lamang sa Russia o Syria ang may gawa nito.
Ang convoy ay bahagi ng routine interagency dispatch na pinatatakbo ng Syrian Red Crescent, na ayon sa mga opisyal ng U.N. ay naghahatid ng tulong sa 78,000 katao sa Uram al-Kubra, sa silangan ng Aleppo city. May dala itong mga pagkain, gamot, emergency health kits, IV fluids, at iba pang mahahalagang supply ng U.N. at ng World Health Organization.
Tinawag ni U.N. Secretary-General Ban Ki-moon ang pag-atake na “sickening, savage and apparently deliberate attack” sa kanyang talumpati sa mga lider ng mundo sa General Assembly nitong Martes.