GINUGUNITA ng bansa ngayong Setyembre 20, 2016 ang ika-118 anibersaryo ng kapanganakan ng civic leader at bayani ng digmaan na si Josefa “Pepa” Llanes Escoda, ang nagtatag ng Girl Scouts of the Philippines, at Boys Town, at nag-organisa ng National Federation of Women’s Clubs.

Naging aktibo sa pagsusulong sa karapatang makaboto ng kababaihan, tinulungan niya ang mga babaeng nagtatrabaho sa halalan na igiit ang kanilang mga karapatan. “Ang isang modernong babae ay hindi na isang simpleng maybahay na nakaasa; tumutulong na siya ngayon sa kanyang mister. Ang paggiit ng kababaihan ng kanilang kalayaan ay bunsod ng kagustuhan nilang tulungan ang kanilang mga asawa na mga gawain ng gobyerno na tuwina’y nangangailangan ng kahinahunan at katalinuhan ng mga babae,” sinabi niya.

Ang kanyang mga pagsisikap, katuwang ang mga grupo ng kababaihan, ay tuluyang nagbunga noong Disyembre 7, 1933, nang sa pamamagitan ng Act 4112 ay nabigyan ang kababaihang Pilipino ng karapatang bumoto at ng kapangyarihang maglingkod sa gobyerno.

Isang kalsada at gusali sa Maynila ang ipinangalan sa kanya at isang monumento sa kanyang sinilangang bayan sa Dingras, Ilocos Norte, ang inialay sa kanya. Makikita ang kanyang imahe sa isanlibong pisong papel bilang isa sa tatlong Pilipinong martir. Ang museo na Josefa Llanes Escoda ay binuksan noong Setyembre 20, 1998, sa sentenaryo ng kanyang kapanganakan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Si Escoda ay tinaguriang Florence Nightingale ng Pilipinas. (Noong ika-19 na siglo, iniligtas ni Florence Nightingale ang mga sundalong Briton sa pagsasama niya ng isang batalyon ng kababaihang nurse). Kinikilala ang kanyang pambihirang kagitingan at kabayanihan sa pagbibigay ng pagkain at gamot sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano noong digmaan.

Natamo niya ang kanyang masteral in social work sa Columbia University bilang iskolar ng American Red Cross. Habang nasa Amerika noong 1925 para sa Women’s International League for Peace, nakilala niya si Antonio Escoda, isang mamamahayag ng Philippine Press Bureau na kalaunan ay pinakasalan niya. Nagturo siya sa UP at UST, at nagtrabaho sa Bureau of Health, Bureau of Schools, Board of Censors for Moving Pictures, at naging executive secretary ng Anti-Leprosy Society noong 1908-1932.

Sinanay niya ang kabataang Pinay upang maging pinuno ng Girl Scout, hanggang sa itatag na niya ang GSP. Mayo 26, 1940 nang lagdaan ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Commonwealth Act No. 542, ang GSP Charter, na kumilala rito bilang pambansang organisasyon. Si Pepa ang unang GSP National Executive, at kalaunan ay naging NFWC national president.

Nagsuot siya ng Filipiniana sa mga Opisyal na pagdiriwang. Siya at ang kanyang asawa ay nagtrabaho sa Manila Daily Bulletin. Dahil sa pagtulong sa mga bilanggo ng digmaan, dinakip ang kanyang asawa noong Hunyo 1944, at siya naman ang inaresto makalipas ang dalawang buwan, noong Agosto 27. Napiit sila sa Fort Santiago. Binitay ang kanyang asawa noong 1944; at huli siyang nakita noong Enero 6, 1945.

Tumanggap si Escoda ng mga parangal matapos siyang pumanaw: Distinguished Alumna in Social Service and Service to Humanity mula sa Philippine Normal College; Silver Medal mula sa American Red Cross; Medal of Freedom with Gold Leaf for Services to Filipino Prisoners of War; at Philippine Legion of Honor mula sa Armed Forces of the Philippines.