Selos umano ang motibo ng pananaksak ng isang lalaki sa basurero na kasalukuyang kritikal ang kondisyon sa isang ospital sa Muntinlupa City nitong Linggo.
Nakaratay ang biktimang si Nogie Pulido, 25, ng Sitio Rizal, Barangay Alabang ng nasabing lungsod sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.
Agad namang tumakas ang suspek na kinilala lamang na si “Michael”, nakatira sa Creek Side, Bgy. Alabang, Muntinlupa City.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Tamondong, ng Muntinlupa City Police, dakong 6:00 ng umaga nangyari ang pananaksak sa panulukan ng Benson Funeral Services at West Service Road, Bgy. Alabang.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Pulido at Michael nang biglang kumuha ng patalim ang huli at paulit-ulit sinaksak ang una.
Napag-alaman na ang kasalukuyang live-in partner ni Michael na si “Linda” ay dating kinakasama ni Pulido kaya may posibilidad na selos ang isa sa mga motibo sa pananaksak. (Bella Gamotea)