NGAYONG umaga idaraos ang unang pagdinig ng Committee on Ethics ng mababang kapulungan ng Kongreso laban kay Sen. Leila de Lima. Sa panahon niya kasi bilang justice secretary ang Bilibid Prison ay nagkaroon ng pagawaan ng shabu.

Nabuhay na marangya at masagana ang high profile inmates dito na nagawa nilang ibenta ang ginagawa nilang ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, may mga nakahilera na silang testigo na magdidiin sa senador. Alam niya raw ang ilegal na ginagawa ng mga inmates at nakinabang siya rito.

May magsasabi na inabutan siya at ang kanyang driver ng kung ilang milyong piso ng ilan sa mga ito. Sa kanila raw kinuha ng senador ang salaping ginamit niyang pangkampanya para sa kanyang kandidatura.

May kinikimkim na galit si Pangulong Digong sa senador. Noong kasing chairperson siya ng Commission of Human Rights (CHR), nagtungo siya sa Davao City upang imbestigahan ang mga nangyaring summary execution. Ayon mismo sa Pangulo, pilit siyang idinawit sa Davao Death Squad (DDS) noong alkalde pa siya na siyang nagsasagawa ng extrajudicial killings.

Nitong nakaraang Huwebes, ginanap naman ang ikalawang pagdinig ng senate committee on justice and human rights ukol sa extrajudicial killing na nagaganap ngayon sa ating bansa. Iniharap ni Sen. De Lima, na siyang chairperson ng nasabing committee, si Edgar Matobato. Ayon kay Matobato, noong 1988, nang maupo si Pangulong Digong na alkalde ng Davao, kinuha siyang miyembro ng “Lambada Boys” na naging DDS kalaunan.

Ang naging papel niya at ng mga kasama niya rito na mga pulis at dating rebeldeng komunista ay pumatay ng mga drug addict, rapist at snatcher. Iniladlad niya ang mahabang listahan ng mga pagpatay mula nang maging alkalde ang Pangulo at ang ilan sa mga ito ay sa utos niya at ng kanyang anak na si Paulo.

Madetalyeng isinalaysay ni Matobato ang mga pangyayari. Dahil dito, madaling alamin ang lugar na pinangyarihan at lugar ng pinagtapunan nila ng mga bangkay. Maaaring magkamali siya ukol sa araw at buwan, pero normal ito dahil matagal na panahon na nakalipas. Ito nga ang nagpapatunay na hindi inimbento ang kanyang isinalaysay lalo na kung mayroon talagang pinatay.

Kaya, nasabi niya ang lahat dahil bahagi siya ng conspiracy o sabwatan. Katunayan, may inamin siyang ginawa niya na puwedeng panagutan sa batas kung hindi pa napapaso ang krimen. Walang dahilan para magpalsipika siya ng deklarasyon laban sa Pangulo. Nanganganib nga ang kanyang buhay sa ginawa niyang ito.

Pero, iyong mga nahilerang testigo laban kay De Lima ay iba ang sitwasyon.

Sila ay ang mga high profile inmates na sangkot sa droga at mga empleyado ng piitan. Tangan sila sa ilong ng administrasyon na kapalit ng pagsuway sa kagustuhan nito ay posibleng may hindi magandang mangyari sa kanila.

(Ric Valmonte)