NAGING lubos na katanggap-tanggap mula sa araw-araw na mga ulat ng pagpatay sa mga sangkot sa droga, pagbubunyag ng Senado ng mga anomalya, mga debate sa foreign policy, at matinding pinsalang dulot ng bagyo ang iniulat noong nakaraang linggo na mayroong bagong kontribusyon ang wikang Filipino sa lengguwaheng English language, na nananatiling dominanteng lingua franca sa mundo.
Nasa 14 na salitang Filipino ang nadagdag sa issue para sa Setyembre 2016 ng Oxford English Dictionary (OED), na buong tiyagang itinatala ang mga pagbabago sa lengguwaheng English simula nang una nitong malathala noong 1884.
Anim sa mga bagong kontribusyon ng Filipino ay pawang pagkain — “lechon”, “pansit”, “puto”, “kare-kare”, “leche flan”, at “balut” — isang patunay na tunay na kinikilala na ng mundo ang mga pagkaing ito, na maiuugnay na rin sa patuloy na pagdami ng turistang dumadayo sa bansa.
Isa ring malaking dahilan dito ang pagdami ng Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo, na makikita sa bawat sulok ng planeta at nagsisipagtrabaho bilang mga doktor, guro, inhinyero, tripulante, domestic helper, obrero, at iba pa na kinikilala natin bilang mga OFW — overseas Filipino worker.
Natural na bitbit nila ang kanilang mga pagkain saan man sila magtungo—ang kanilang “adobo”, ang “sinigang”, at ang “halo-halo”. Bitbit din nila maging ang kanilang mga damit—ang kanilang “barong” at “baro’t saya” — kahit pa isinusuot lamang ang mga ito sa mga espesyal na okasyon sa mga komunidad ng mga kapwa Pilipino. At dinala rin nila ang kanilang kultura bilang mga Pilipino na gumagamit ng maiingat na salita upang ikubli ang ilang malupit na realidad — gaya ng “comfort room” gayung banyo lamang ang tawag ng ilan.
Ang mga salitang Filipino na ito ay kabilang sa maraming nadagdag na sa kagalang-galang na English ni Shakespeare.
Pagkatapos malathala ang unang edisyon ng Oxford English Dictionary noong 1884, lumabas ang ikalawang edisyon noong 1989. Mabilis na kumalat ang wikang English dahil na rin sa dalawang digmaang pandaigdig, nang ang pananalitang Amerikano ang gamit ng milyun-milyong Amerikanong sundalo at higit pang nagpayaman sa lengguwahe.
Taun-taong nadadagdagan ang mga salita sa OED at kinukumpleto na ang ikatlong edisyon, na ‘sangkatlong bahagi na ang natatapos. Ang 59 na milyong salita sa ikalawang edisyon ay patuloy na nadadagdagan bawat araw at kinikilala ng respetadong OED ang kontribusyon natin ng sarili nating mga salita—hindi lamang mga putahe, na ipinagmamalaki rin naman natin, kundi maging ang ating “balikbayan”, ang ating “barangay”, ang ating “mabuhay”, at ang ating ”bayanihan” na tumutukoy sa kaibahan natin bilang mga Pilipino.