NGAYON lang yata nangyari sa kasaysayan ng ating bansa na halos araw-araw ay may pinapatay na tao. Sa pinakahuling ulat, umaabot na yata sa 3,000 ang napatay, karamihan ay drug pushers at users, na biktima ng police operations na iniutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa . Ang iba naman daw na mga biktima ay pinatay ng vigilantes o kaya’y ng drug syndicates na gustong “patahimikin” ang kanilang mga asset. 

Kahit papaano, biro ng isang kaibigan, malaking tulong ito sa pagbabawas ng lumulobong populasyon ng Pilipinas (102 milyon) kung araw-araw ay may napapatay na 10 o higit pang Pinoy bunsod ng pakikidigma sa ilegal na droga ni Mano Digong.

Mula sa San Miguel, Bulacan na kinaroroonan ng headquarters ng Philippine Army’s 1st Scout Ranger Regiment, tahasang sinabi ni Mano Digong na handa siyang makulong nang nagsosolo kaugnay ng isinusulong na “bloody war” sa illegal drugs. May mga alegasyong iniuutos si RRD sa mga pulis na barilin at patayin ang mga pusher at user na umano’y sangkot sa illegal drugs na salot sa lipunan kapag nanlaban.

Hindi raw dapat mangamba ang mga pulis at sundalo kapag sila’y kinasuhan sa pagpatay ng drug pushers at users. “In accordance with my order, I will assume full legal responsibility and I will go to jail alone,” pahayag ni Pres. Rody sa harap ng mga Army ranger. Pinalakpakan din siya ng mga sundalo nang sabihin na magiging doble ang kanilang sahod sa Disyembre.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hinangaan noon ng maraming Pinoy si Sen. Alan Peter Cayetano, kasama sina Sen. Antonio Trillanes at Sen. President Koko Pimentel, nang dinirinig sa Senado ang umano’y mga anomalya na kinasangkutan ni ex-VP Jojo Binay. Ngayon, naaalibadbaran na raw sila sa ikinikilos niya sa “panatikong pagtatanggol” kay Pres. Duterte, partikular sa usapin ng extrajudicial killings, pederalismo, at iba pa.

Ayon sa ilang political analyst, noon daw panahon ni ex-PGMA ay may masugid siyang tagapagtanggol, si ex-Candaba Mayor Gerry Pelayo. Noong panahon ni PNoy, lumitaw si Caloocan City Rep. Edgar Erice (bata ni Mar Roxas), at nitong Duterte admin ay may Sen. Alan Cayetano na tagapagtanggol.

Walang lihim na hindi nabubunyag. Sumipot sa Senado ang umano’y dating tauhan ng Davao Death Squad na nagbulgar sa mga pagpatay sa utos daw ni Mano Digong. Kung si Edgar Matobato ay nagsasabi ng totoo o hindi, hayaan nating ang taumbayan ang humusga.

Kabilang sa kanyang mga alegasyon ang 1,000 taong pinatay sa Davao noong 1988-2004; Apat na bodyguard ni ex-Davao city Rep. Prospero Nograles ang kinidnap at pinatay ng DDS noong 2010; Isang tao ang dinala sa Digos at ipinakain sa buwaya noong 2007; Inutos ni RRD ang pagbomba sa isang mosque bilang ganti sa pagbomba ng mga Muslim sa Davao Cathedral; Inutos niya ang pagpatay kay radio broadcaster Jun Pala na kritiko niya noong 2003; Inutos ni Vice Mayor Paolo Duterte ang pagpatay kay billionaire Richard King dahil sa away sa isang babae.

Well, ang lahat ng alegasyon ni Matobato ay pinabulaanan nina DoJ Sec. Vitaliano Aguirre at VM Paolo. Isa raw itong baliw at inakusahan si De Lima na tinuruan lang niya ang testigo upang siraan si Pangulong Duterte. Abangan natin ang susunod na kabanata. (Bert de Guzman)