Hindi sisipot si Senator Leila de Lima sa gagawing pagdinig ng House Comittee on Justice hinggil sa ilegal na droga.

“They are so evil. Nahuhuli sila mismo sa mga pinaggagawa nila na iniiba-iba nila ang istorya, kasi puro nga ho imbento ang mga story na ‘yan,” ayon kay De Lima.

“With or without an invitation, I will not attend that hearing. I will not even send any representative, lawyer or even an observer. I’m not at all recognizing that proceedings. It is a sham inquiry, with no objective other than to demolish or destroy me, upon orders of the President,” dagdag pa ng Senadora.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, na 14 na testigo sa pangunguna ni Herbert Colangco ang magdidiiin kay De Lima sa illegal drug trade.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sinabi ni De Lima na walang ebidensyang magdidiin sa kanya sa ilegal na droga. Ang imbestigasyon hinggil sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) ay bubuksan ngayon sa Kamara.

NBI official

Isa sa haharap na testigo si NBI Deputy Director Rafael Ragos na naging officer-in-charge ng Bureau of Corrections.

Ayon kay Aguirre, mahalaga ang magiging testimonya ni Ragos dahil may ilang beses umano itong nag-deliver ng limang milyong piso sa bahay ni De Lima.

Mismong si De Lima rin umano ang tumanggap ng pera.

Kasama umanong nagdeliber ng pera ang isa pang NBI agent na si Junior Ablen.

Sa pamamagitan umano ni Ablen ay nalaman nila ang partisipasyon ni Ragos.

Dahil dito, kinompronta umano nila si Ragos at kinumpirma naman nito ang mga isiniwalat ni Ablen.

Pero dahil parehong haharap sa imbestigasyon ng Kamara bukas sina Ragos at Ablen, sinabi ni Aguirre na isinailalim na sila sa Witness Protection Program.

Sa kabuuan, 30 testigo ang ihaharap ng DoJ laban kay De Lima sa imbestigasyon ng Kamara.

Drug money

Mula pa taong 2011, nagsimula nang makatanggap ng drug money si De Lima mula sa Bilibid inmate na si Jaybee Sebastian, dagdag pa ni Aguirre.

Binalak na raw kasi ni De Lima na tumakbo sa eleksyon noong 2013 kaya nangailangan ito ng pondo para sa kampanya.

Gayunman, hindi natuloy ang planong pagkandidato ni De Lima noong 2013, pero nagtuluy-tuloy ang pagtanggap nito ng drug money hanggang bago siya kumandidato para sa 2016 elections.

Sa testimonya naman umano ng high profile inmate na si Herbert Colangco, tatlong milyong piso kada buwan ang quota sa kanya sa pagbebenta ng ilegal na droga. (Leonel Abasola at Beth Camia)