Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinalaya na ng Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Linggo ng gabi ang tatlo pa sa mga bihag nito, dalawang Pinoy at isang Indonesian.

Ayon kay Major Felimon Tan, Jr., tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), pinalaya na ng Abu Sayyaf sina Daniela Taruc, 26; at Levi Gonzales, 33, sa Barangay Tiptipon, Panglima Estino, Sulu, dakong 10:30 ng gabi nitong Linggo.

Natagpuan ng taumbayan, sina Taruc at Gonzales ay kapwa sub-contractor ng isang telecoms company at empleyado ng Power City Corp. na dinukot ng mga armadong lalaki sa Bgy. Timpook sa Patikul noong Agosto 6, 2016.

Agad na dinala ang dalawa sa headquarters ng Joint Task Force Sulu para sa medical check-up bago nai-turnover sa awtoridad.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa Panglima Estino rin pinakawalan ng hiwalay na paksiyon ng Abu Sayyaf ang Indonesian na si Hernan Bin Manggak, 38 anyos.

OPENSIBA O NEGOSASYON?

Sinabi ni Tan na ang pagpapalaya sa tatlong bihag ay bunsod ng pinaigting na operasyon ng militar laban sa grupo simula noong nakaraang buwan.

Sa kabuuan, pitong bihag na ng ASG ang pinalaya simula nitong Biyernes.

Biyernes ng gabi nang palayain ng Abu Sayyaf ang bihag nitong Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, na sinundan ng pagpapalaya rin kinabukasan sa tatlong mangingisdang Indonesian na sina Lorens Koten, Teodurus Kofung, at Emmanuel.

Walang kumpirmasyon sa napaulat na nagbayad ng P30-milyon ransom ang pamilya ni Sekkingstad o ang alinman sa mga Indonesian, kasabay ng pahayag ng Malacañang na naninindigan ito sa “no ransom” policy ng gobyerno.

Gayunman, iginiit ni Pangulong Duterte sa press conference nitong Linggo ng gabi sa Davao City, kasama si Sekkingstad, na ang pagpapalaya sa Norwegian ay resulta ng “long, long negotiation” nina Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari, Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, at dating Sulu Gov. Sakur Tan sa Abu Sayyaf.

“I would like to thank the efforts beyond human patience of Sec. Dureza and of course Nur Misuari who all along assured us that he would need time but he would succeed. And I would like to thank of course Sakur Tan, the former governor of Sulu,” ani Duterte, sinabing binigyan niya ang tatlo ng “full authority to negotiate” para sa pagpapalaya kay Sekkingstad.

“It was a long long negotiation. As far as I’m concerned I’ve talked to Misuari even in the Cabinet meetings, I have him called and he assured me that we would be able to recover alive and well Kjartan (Sekkingstad) and so here we are. So the efforts actually belong to Misuari, Dureza and Sakur Tan,” aniya.

HUSTISYA

Kasabay nito, nangako ang Pangulo na bibigyang hustisya ang mga dinukot ng ASG.

“I assure you…when the time comes, I will inform you that we have been able to catch up with them (ASG),” sinabi ni Duterte kay Sekkingstad. “I will say this now: Your travails in life are over.”

Isa si Sekkingstad sa apat na dinukot ng mga bandido sa Samal Island sa Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015, kasama ang Pinay na si Marites Flor at ang kapwa Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall. Parehong pinugutan ang dalawang Canadian, habang pinalaya naman ng mga bandido si Flor noong Hunyo.

(FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD, NONOY LACSON at ELENA ABEN)