Nagpupuyos sa galit ang isang ina matapos magsumbong ang kanyang anak na lalaki na umano’y minolestiya ng “berdugo” (berde ang dugo—modernong bansag sa mga bading), sa Navotas City, noong Linggo ng gabi.
Hindi na nakaporma pa nang posasan ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 ang suspek na si Lynard Granil, 26, ng Chungkang Street, Barangay Tanza ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng biktima, 12 anyos, kay PO3 Jenny Lyn Manabat ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD), dakong 9:00 ng gabi, nagtungo sa kanilang bahay ang suspek.
Inaya umano siya ni Granil na lumabas ng bahay ngunit ito’y kanyang tinanggihan hanggang sa siya’y kinaladkad at dinala sa madilim na lugar at doon puwersahang hinubad ang kanyang shorts at minolestiya.
Nagsumbong ang biktima sa kanyang ina at humahagulgol na dumiretso sa PCP 1 upang humingi ng tulong hanggang sa tuluyang nadakip si Granil sa loob ng kanyang bahay dakong 11:00 ng gabi.
Nahaharap ngayon si Granil sa kasong rape in Relation to R.A. 7610 (Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) sa Navotas City Prosecutor’s Office. (ORLY L. BARCALA)