Nakatakdang ilatag ng Philippine Sports Commission (PSC) ang binubuo nitong masterplan o sports blueprint para sa inaasam na direksyon sa hinaharap.
Gaganapin ang National Consultative Meeting sa Setyembre 22-23 sa Multi-Purpose Arena ng PhilSports sa Pasig City.
Sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez katuwang si Research and Planning Department chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nakatuon sa dalawang araw na diskusyon ang pag-aaral sa kalagayan ng sports.
“Our objective in the two day national consultative meeting is (1). To roll-out the calendar of activities of Philippine Sports Commission (PSC), (2.) To consult the Local Government Units (LGUs), DEPED, DILG and other National Government Agencies (NGAs) on the content of PSC Development Plan 2016-2022, and (3.) To present and discuss the structure and programs of Philippine Sports Institute,” sabi ni Ramirez.
Inaasahang magiging tampok sa dalawang araw na pagpupulong ang paglalatag ng pangkahalatang kalendaryo ng aktibidad ng ahensiya sa buong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte at pagkunsulta sa mga ahensiya para sa pagpapalawak ng grassroots sports development plan ng bansa.
Una nang isinagawa ang naging mainitan na Top-Level Consultative Meeting at set-up ng Philippine Sports Institute noong Setyembre 1 at 2 kung saan nailantad ang pagnanais na maisabatas ang pagbubuo sa Department of Sports at mga alitan sa pagitan ng mga sports stakeholders kontra sa Philippine Olympic Committee (POC).
Inaasahan ng PSC ang kabuuang 500 sports head o city at provincial sports director na lalahok.
Magbibigay naman ang PSC ng accommodation para sa mga dadalo mula sa malalayong lalawigan at lungsod. Ang mga nagnanais magpartisipa ay maaring manatili sa lugar simula Setyembre 21 hanggang 24.
Hinihiling naman ng ahensiya na maging maagap dahilt itinakda ang deadline sa pagsumite ng lahok sa Setyembre 19. - Angie Oredo