SA Rizal, ang mga namuno sa probinsiya simula pa noong panahon nina dating Rizal Governor Casimiro Ito Ynares, Jr. at Rizal Congressman Bibit Duavit, ang dalawa sa prayoridad nila sa pamamahala at paglilingkod ay ang edukasyon at kalusugan. Naniniwala ang dalawang mahusay na lider ng probinsiya na ang edukasyon ang susi sa kaunlaran at mag-aangat kahirapan ng mga mamamayan.
At sa kanilang pagtutulungan ay nakapagpatayo ng mga paaralan. Tuwing simula ng pasukan, hindi nagiging problema sa Rizal ang kakulangan sa mga silid-aralan. Tinatanggap ang mga lumipat na mag-aaral mula sa private school na hindi na makayang bayaran ng mga magulang ang mataas na singil sa matrikula. Simbolo ng pagiging ganid ng mga may-ari at nagpapatakbo ng mga pribadong paaralan na mga negosyanteng nakadamit-edukador.
Sa patuloy na pagtutulungan nina dating Rizal Governor Ito Ynares, Jr at Congressman Bibit Duavit, nagkaroon ng unibersidad sa Rizal—ang URS o University of Rizal System na ngayon ay sampu na ang URS campus. Ang main campus ng URS ay nasa Morong, Rizal.
Marami nang Rizalenyo ang nakatapos sa University of Rizal System. Propesyonal na at ang iba’y nasa ibang bansa. Bukod sa nabanggit na unibersidad sa Rizal, sa bawat bayan sa lalawigan ay nagkaroon din ng National High School. Ang Talim Island na narating na ng kaunlaran ay mayroon ding National High School.
Ang isa ay nasa bahagi ng Binangonan at ang isa pa ay nasa bahagi ng Cardona.
Ang prayoridad sa edukasyon at kalusugan ay ipinagpatuloy nina Rizal Gov. Nini Ynares, dating Rizal Gov. Jun (Mayor ngayon ng Antipolo) at Congressman Jack Duavit ng unang distrito ng Rizal.
Nagkaroon ng ospital ang probinsiya—ang Rizal Provincial Hospital System. Nasa Morong ang pinakamalaki. Ang ibang sangay ng ospital ay nasa Angono, Antipolo, Binangonan, Pililla, Jalajala at boundary ng San Mateo at Montalban.
Sa darating na Nobyembre, nakatakda nang pasinayaan ang tertiary hospital ng lalawigan na nasa Binangonan. Ang lupang pinagtayuan ng tertiary hospital ay donasyon sa probinsiya ng pamilya Duavit.
Umaabot sa 300 Rizalenyo na mula sa unang distrito ng Rizal ang sumailalim at nakapagtapos sa Special Training for Employment Program (STEP). Ang STEP ay bahagi ng programa sa edukasyon ni Congressman Jack Duavit. Sila ay mga nag-aral at nagsanay sa TESDA center na nasa Taytay, Cainta at Binangonan.
Ang mga kurso na kanilang pinag-aralan ay electrical installation and maintenance, cell phone repair, beauty care at hair dressing. Ang pagtatapos ng 300 Rizalenyo na binubuo ng mga lalake at babae at mga dating drug user na nagbagong buhay ay ginanap sa covered court ng Youngstown Village sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal noong Agosto 25, 2016. Ang mga nagtapos ay binigyan ng mga kagamitan na kanilang magagamit sa paghahanap-buhay.
Naging mga panauhin sa pagtatapos sina Cong. Jack Duavit at Ms. Velma Salazar, TESDA provincial director sa Rizal.