MAYROON nang walong kumpirmadong kaso ng Zika sa bansa. Matapos maiulat ang unang limang kaso simula noong 2012, inihayag ng Department of Health (DoH) ang ikaanim na kaso dalawang linggo na ang nakalilipas—isang 45-anyos na babae sa Iloilo City ang pasyente. Makalipas ang isang linggo, dalawa pang tao na kasama sa bahay ng ikaanim na pasyente ang nakumpirmang nahawahan ng sakit, bagamat bahagya lamang ang sintomas ng mga ito, na dumanas ng bahagyang pamamantal ng balat.
Tunay na masuwerte tayo na kakaunti lang ang mga kaso ng Zika sa bansa. Ang dalawa nating kalapit-bansa sa Southeast Asia—ang Singapore at Thailand—ay parehong may mataas na bilang ng Zika cases. Ang maliit na siyudad ng Singapore ay mayroon nang 300 kaso, na nagbunsod ng mga travel warning mula sa ilang bansa. Nangangamba ngayon ang Singapore na malulugi ito ng $300 billion sa negosyo dahil sa matinding takot sa Zika.
Sa Thailand naman, 16 sa 76 na lalawigan nito ay nakapag-ulat na ng mahigit 300 kaso ng Zika simula nang makumpirma ang unang pasyente noong Agosto. Sa kabisera ng Thailand na Bangkok, may 21 kaso ang naitala sa lugar ng Sathorn, kung saan naninirahan ang marami sa Thai expatriates. Iisang kaso naman ang iniulat ng Malaysia sa isang katimugang lungsod nito na malapit sa Singapore.
Ang Zika ay nasa 62 bansa na, 42 sa mga ito ang kamakailan lamang nag-ulat ng mga una nitong kaso. Kumalat na ito sa South at Central America at nakarating na rin sa mga katimugang estado ng United States. Batay sa huling report ng US Centers for Disease Control and Prevention, mayroon nang 1,657 dinapuan ng virus, apat sa mga ito ay nasa Miami, at iniuugnay sa pagbiyahe sa mga bansang apektado ng virus.
Pinakamatindi ang pangamba sa Zika ilang araw bago ang Summer Olympics sa Rio de Janeiro noong Agosto, dahil ang Brazil ang isa sa may pinakamaraming kaso ng sakit sa buong South America. Maraming pinakamahuhusay na atleta ang napilitang huwag makilahok sa Olympic Games dahil sa pangamba sa Zika. Nagpalabas ng mga advisory ang World Health Organization at nanawagan sa lahat ng atleta at panauhin na umiwas sa maraming open area, partikular na sa mga lugar ng mahihirap sa Rio, at hanggang maaari ay manatili sa loob ng mga air-conditioned quarter.
Ito ay dahil pangunahing naikakalat ang Zika sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aeypti, ang mismong uri ng lamok na nagdudulot din ng dengue, na karaniwan naman sa Pilipinas. Natuklasan ding naipapasa ang Zika sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Karamihan sa kaso ng Zika ay bahagya lamang ang mga sintomas, gaya ng lagnat, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, at pamamantal ng balat. Ngunit ang ilang kaso ay nagdudulot ng microencephaly, at ito ang dahilan kung bakit pinangangambahan ang Zika. Ang mga sanggol na isinilang na may microencephaly ay may maliliit na ulo at may pinsala rin sa utak.
Sa harap ng libu-libong kaso na naitatala, karaniwan ay sa Latin America at ngayon ay sa United States, at ng libu-libong kaso na nakukumpirma sa mga kalapit-bansa nating Singapore at Thailand, may dahilan upang magpasalamat tayo na walo lamang ang kaso ng Zika sa Pilipinas sa ngayon. Dahil dito, dapat na purihin ang Department of Health at ang mga lokal na pamahalaan sa mataas na antas ng pagiging alerto nito laban sa posibleng pagpasok at pagkalat ng Zika sa bansa, kabilang ang pagsasagawa ng fumigation operations upang mapanatiling mababa ang populasyon ng mga lamok. Subalit nariyan pa rin ang panganib—lumala pa nga ito sa ilang karatig nating bansa—at dapat lang na mapanatili natin ang mataas na antas ng pagiging alerto laban sa sakit.