SAPUL pa noong 2014 na nagbayad ako sa renewal registration ng aking lumang sasakyan, hanggang ngayon ay wala pa akong bagong plaka (car plate). Samakatuwid, dalawang taon na akong nagbabayad sa Land Transportation Office (LTO), pero ni anino ng bagong white and black car plate na ipinalit sa berdeng plaka ay hindi ko pa nasisilayan.
Ang pagpapalit o pagbabago ng plaka ay sinimulan noon pang PNoy administration. Nagtataka ang mga may-ari ng sasakyan kung bakit binago ang mga plaka gayong okey naman ang berdeng plaka. Ano ang pumasok sa tuktok (ulo) ng mga pinuno ng LTO o ng DOTC noon na magpalit ng plaka gayong hindi naman pala kaya ng suppliers na maipagkaloob ang mga plaka sa tamang panahon? Hindi kaya ang nalikom na bayad ay ginamit lang ng administrasyon upang itustos sa kandidato ng Tuwid Na Daan coalition? Isa itong dahilan (kawalan ng plaka) kung bakit natalo ang “manok” ng LP noong May 9, elections.
Ngayong si President Rodrigo Roa Duterte ay inihalal ng 16.6 milyong Pinoy sa bisa ng pangako niyang PAGBABAGO (Change is Coming), pagpuksa sa illegal drugs, krimen at kurapsiyon, umaasa ang marami na makakamit na nila ang tunay na mga pagbabago, gaya ng kalutasan sa problema ng trapiko, maayos na MRT/LRT, at pagkakaroon ng mga plaka na kaytagal nang binayaran ng mga car owner. Ayon sa balita, sinabi ng Department of Transportation na wala pa ring car plates hanggang sa 2nd quarter ng 2017. Mr. Tugade, huwag mong sabihing ang kawalan ng plaka ay “state of the mind” lamang.
Napupuna ng maraming Pinoy na padalus-dalos sa mga pahayag si Mano Digong kapag nagagalit o emosyonal. Namura na niya sina Pope Francis, US Ambassador Philip Goldberg, US Pres. Obama, UN Sec. Gen. Ban Ki-moon, at higit sa lahat ay si Sen Leila de Lima na tinawag pa niyang “immoral woman”. Hindi niya makalimutan ang galit kay Sen. Leila noong ito pa ang CHR chairperson na nagpunta sa Davao City upang siyasatin ang Davao Death Squad na ibinibintang sa kanya.
Narinig ng taumbayan ang pahayag ni President Rody na dapat nang umalis ang US Special Forces sa Mindanao sapagkat hindi matatamo ang kapayapaan doon hanggang may mga sundalong-Kano dahil hindi nalilimutan ng mga Moro (Muslim) ang pagmasaker ng mga Kano sa mga ninuno nila noong 1906 pacification campaign.
Gayunman, hindi sang-ayon dito si Defense Sec. Delfin Lorenzana na hayagang ipinaalam sa mga kongresista na kailangan ng bansa at ng AFP ang pananatili ng US soldiers doon. “We still need them because they have the surveillance capability that our Armed Forces don’t have,” sabi niya sa pagdinig na Kamara sa hinihinging budget na mahigit sa P172 bilyon. Ipinaalam niya sa mga mambabatas na may 107 sundalong-Kano na naka-base sa Zamboanga City na nagsasagawa ng surveillance operations sa Zamboanga, Basilan, Tawi-Tawi at Sulu para tulungan ang AFP sa paglaban sa mga terorista.
Tinatanong ako ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko at maging ng senior-jogger: “Ano ba talaga ang gusto ni Pres. Duterte: Pumanig tayo sa China na patuloy sa pag-okupa sa Panatag Shoal at pagtataboy sa ating mga mangingisda o hiwalayan ang US na patuloy sa pagkakaloob ng tulong sa atin kapag may kalamidad at iba pang pangangailangan?”