GAMU, Isabela - Inaasahang mayayanig na naman ang ilang opisyal ng gobyerno sa pagbubunyag sa sinasabing ikatlong “narco-list” ni Pangulong Duterte.

Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Camp Melchor Dela Cruz sa Isabela nitong Sabado, binanggit niya ang tungkol sa paglalabas niya ng ikatlong listahan ng mga opisyal ng gobyerno at pulisya na sangkot umano sa bentahan ng ilegal na droga sa bansa.

Sa harap ng mga opisyal at tauhan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, sinabi ni Duterte na karamihan sa nasa listahan ay gobernador, mayor, kongresista, konsehal, barangay chairman at pulis.

Pahapyaw niya ring pinatamaan ang isang alkalde sa La Union na umano’y nasa ilalabas niyang listahan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kaugnay nito, sa panayam sa ilang opisyal ng Pangasinan, La Union at Isabela ay ramdam na kabado na sila sa paglalabas sa nasabing listahan, sa posibilidad na makasama sila rito.

Matatandaang marami sa mga napangalanan sa unang narco-list ng Pangulo ang agad na tumangging sangkot sila sa operasyon o bentahan ng droga sa kani-kanilang lalawigan.

Samantala, iniulat ng isang local radio station sa Isabela na ibinigay ni Pangulong Duterte sa 5th ID ang kopya ng ikatlong narco-list. - Liezle Basa Iñigo