Nina Francis T. Wakefield, Genalyn D. Kabiling at Elena L. Aben
Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakalaya ang Norwegian national na si Kjartan Sekkingstad sa kamay ng Abu Sayyaf Group (ASG), dahil sa puspusang military operations laban sa bandidong grupo.
“The terrorist kidnap-for-ransom Abu Sayyaf Group was constrained to release Sekkingstad as holding him under custody slows down their continues movement,” ayon kay AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya.
Dahil dito, pinuri ni Visaya ang mga sundalo na walang humpay na tumutugis sa ASG, at umaasa ang opisyal na marami pang hostage ang makakalaya dahil magsisilbing pabigat lang ang mga ito sa nagtatakbuhang bandido.
“The AFP will be unrelenting in this operation against the terrorist KFR Abu Sayyaf Group. We will continue to forge the support and cooperation of the local residents who will ultimately benefit from the success of this operation,” dagdag pa ni Visaya.
Ang Norwegian, kasama ang tatlo pa ay dinukot ng ASG sa Ocean View Resort sa Samal Island noong Setyembre 21, 2015.
Ang dalawang Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall ay pinugutan ng ulo ng mga bandido, samantala ang Filipina na si Maritess Flor ay pinalaya tatlong buwan na ang nakakaraan.
Sinasabing nagbayad ng P30 milyon ang pamilya ng Norwegian, kapalit ng kalayaan nito.
Kumilos si Nur
Sa panig ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, sina Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari, dating Sulu Governor Sakur Tan at iba pang volunteers ang tumulong sa paglaya ng mga hostage.
Nang makalaya ang Norwegian, una umanong binanggit ang mga katagang “Thank you to President Duterte.”
Nagpalipas pa umano ng magdamag sa lugar ni Misuari si Sekkingstad, dahil sa lakas ng ulan sa lugar.
3 Indonesians laya na rin
Samantala tatlong Indonesians pa ang nakalaya sa tulong umano ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni Misuari.
Ang tatlo ay nakalaya dakong 1:00 ng madaling araw kahapon sa Jolo, Sulu. Ang mga ito ay kakaunin ni retired General Kivlan Zen ng Indonesian military.
Walang ransom
Tiniyak naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na walang ransom na ibinayad sa ASG.
“I would like to reiterate, the government maintains the no ransom policy. Now, if a third party or the family gave ransom, we don’t know about that,” ayon kay Andanar.