Ni REGGEE BONOAN
NAKAKABILIB ang supporters nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, bawat grupo ay may kanya-kanyang schedule ng block screening ng pelikulang Barcelona: A Love Untold na pinipilahan ngayon sa lahat ng mga sinehan sa buong Pilipinas.
Last Friday, may nagpa-block screening sa Dolphy Theater. Last Saturday naman, 5:30 PM, ang block screening ng KathNiel Dreamers World sa Gateway Cinema 9 na full house. Ang contact person ng grupo sa Pilipinas ay si Ms. Agot Sison.
Kalat ang KathNiel Dreamers sa buong mundo kaya may ‘world’ sila sa dulo at nagtutulung-tulong silang lahat para suportahan ang lahat ng projects ng KathNiel.
Nakakatatlong imbitasyon na kami mula sa KathNiel World Dreamers World at napansin namin na highly organized ang grupo considering na karamihan sa mga miyembro ay bagets o estudyante.
Tulad nu’ng Sabado, habang nanonood kami ng pelikula ay biglang bumukas ang ilaw at inihinto ang palabas.
Malumanay na nagsalita ang isa sa mga namumuno ng grupo na, “Guys, pupunta ang KN (KathNiel), sana walang magulo, walang maingay, huwag kayong aalis sa kinauupuan ninyo, walang lalapit dito sa harap para hindi maging magulo. Puwede kayong kumuha ng picture, mag-video, pero hindi kayo aalis sa upuan ninyo. Babati lang sila sa ating lahat.”
In fairness, Bossing DMB, nu’ng dumating sina Daniel at Kathryn kasama ang may lima o anim na marshalls, mga staff ng Star Magic at ABS-CBN ay wala talagang umalis sa kani-kaniyang upuan, walang gulo o ingay, lahat ng KathNiel Dreamers World ay bumati rin at kumaway sa love team.
Nalaman namin na sadya palang pinupuntahan nina DJ at Kath ang lahat ng block screening ng fans para personal na magpasalamat sa kanilang suporta.
Limang minuto lang nagtagal ang KathNiel dahil may iba pa silang pupuntahan pero hindi mapapalitan ng anumang halaga ang sayang nararamdaman ng grupo sa pagpunta ng dalawang hinahangaan nila.
Pagkatapos ng palabas ay naintriga kami kaya ininterbyu namin si Ms. Agot at inalam kung ilang screening ang isasagawa ng KathNiel Dreamers World.
“May schedule po kaming 14 block screenings, nagsimula po kami noong opening day mismo po sa Dolphy Theater. Iba’t ibang venue po, like tomorrow (Linggo, kahapon) po, nasa SM Lights (Pioneer Street Mandaluyong City) po kami. Marami pa po, eh,” kuwento ni Ms. Agot.
Inalam din namin kung sino ang financier nila at kung binibentahan ba nila ang mga miyembro para makapanood ng screening at kung may nakukuha ba silang sponsors.
“Libre po ito para sa lahat ng members, wala po kaming ‘binebentang tickets, wala po kaming sponsors, Ms. Reggs,” sagot sa amin.
Ang arrangement pala. Bossing DMB, patak-patak ang lahat ng miyembro kasama na ang nasa ibang bansa at ang nalilikom nilang pondo ang ginagamit para sa block screening.
Sa pagkakaalam ni Ms. Agot, ang KathNiel Dreamers World ang may pinakamaraming block screening kasi nga napakarami rin ng members nila.
Iba pa ‘yung international screening na ang iba ay sagot ng TFC at miyembro rin ng KNDW.
Nakakatuwang nakakabilib ang mga grupong katulad ng KNDW dahil bukod sa disiplinado lahat ay magagalang pa. Sana ‘yung ibang fans club ng ibang artista, sana ganito rin ka-behave.
Samantala, lalong lumakas ang hugot ng moviegoers sa Barcelona: A Love Untold nitong weekend kaya hindi kataka-taka na sa ilang araw lang ay umabot na ang kita nito sa hundred millions.
Hindi na namin ikukuwento ang pelikula para panoorin ng lahat at hindi naman kayo magsisisi.
Samantala, totoong kahit konti supporting at konti lang ang exposure ni Joshua Garcia ay hindi puwedeng hindi siya mapansin dahil mahalaga ang papel niya. At unang out-of-the-country shooting yata ito ng batang aktor. Ang suwerte mo iho, sana hindi ka magbago o lumaki ang ulo dahil sigurado kami, sisikat ka nang husto.
Hmmm, may cameo role pala si Direk Cathy Garcia-Molina. Direk, marunong ka palang umarte, bagay sa ‘yo maging artista.
Totoo nga ang sabi ni Daniel Padilla nang makatsikahan namin sa presscon na bilib siya kay Direk Olive Lamasan dahil kahit medyo nagkakaedad ay kinaya pa ring mag-shooting hanggang hatinggabi.
Pagkatapos kasi ng pelikula ay ipinakita ang bloopers at nakita namin na may eksenang habang tumatakbo sina DJ at Kath ay nakikitakbo rin si Direk Olive kasabay ang crew at cameraman.
Nakakaloka si Direk Olive, mukhang nag-exercise siya nang husto bago sumabak sa shooting dahil parang hindi man lang siya hinihingal.
Kita sa produkto ang nakakapagod na shooting nila lalo’t sinabi rin ni Daniel na hindi lang sila artista sa pelikula kundi naging staff and crew din sila dahil tumulong silang magbitbit ng mga gamit.