ANG Public Law No. 5, “An Act for the Establishment and Maintenance of Efficient and Honest Civil Service in the Philippine Islands”, ay pinagtibay noong Setyembre 19, 1900. At ngayon ang ika-116 na anibersaryo ng pagkakatatag sa Civil Service Commission (CSC), ang pangunahing ahensiya sa kawanihan.
Sa selebrasyon ng Civil Service Month, ginugunita ang pagsilang ng civil service sa Pilipinas at kinikilala ang kontribusyon at pagsisikap ng 1.4 na milyong kawani ng pamahalaan.
Ang pangunahing layunin ng “Gawing Lingkod Bayani and Bawat Kawani” ang nagsisilbing gabay ng CSC sa pagpapatupad ng mas maraming reporma sa serbisyo publiko. Hinuhulma nito ang kahusayan ng mga kawani ng pamahalaan na tumutulong naman sa pagsulong ng gobyerno. Hinihimok ang bawat kawani na maging “lingkod bayani” at maging bayani saan man naroon.
Ang temang “Sigaw ng Lingkod Bayani: Malasakit sa Taumbayan, Kapwa Kawani, at Kalikasan!” ay nakatuon ngayong taon sa pagmamalasakit sa paghahatid ng serbisyo sa publiko bilang tugon sa panawagan para sa mas mabuti, mas mabilis at mas pinadaling transaksiyon at aksiyon mula sa gobyerno.
Nagtakda ang CSC ng maraming kaganapan para sa okasyon, kabilang na ang paggagawad ng pagkilala sa mga natatanging opisyal at kawani ng gobyerno, mga konsiyerto, libreng sakay sa MRT at LRT, paglilinis sa mga baybayin, pagtatanim ng bakawan, at espesyal na mga serbisyo at diskuwento sa mga mall at recreation center.
Taun-taon ding nagsasagawa ng RACE to Serve Fun Run para sa kasiyahan, mabuting kalusugan, at pagsasama-sama upang makatulong sa Pondong Pamanang Lingkod Bayan na nagkakaloob ng suportang pinansiyal sa mga pamilya ng mga kawani ng gobyerno na nasawi habang tumutupad sa tungkulin. Ang RACE ang acronym sa ideyalismo ng CSC na Responsive, Accessible, Courteous, and Effective Public Service.
Ang CSC ang isa sa tatlong independent constitutional commission, kasama ang Commission on Elections at Commission on Audit. Mayroong 15 regional office ang CSC sa bansa. Itinatag ang CSC noong Setyembre 19, 1900, at muling inorganisa bilang kawanihan noong 1905. Pinalawak ng 1935 Constitution ang hurisdiksiyon nito upang masaklaw ang pambansang gobyerno at mga lokal na pamahalaan at mga korporasyon ng gobyerno.
Noong 1959, sa bisa ng Republic Act 2260, ang Civil Service Law, ang Bureau of Civil Service ay ginawang CSC. Taong 1975 naman nang tukuyin ito sa Presidential Decree 807, ang Philippine Civil Service Decree, bilang pangunahing ahensiya ng mga kawani ng pamahalaan. Pinaigting ng CSC ang sistema nito sa paggagawad ng merito, gantimpala at pagkilala sa kahusayan at pinagsama-sama ang human resource development sa lahat ng antas at ranggo. Nagbibigay ito ng pinal na arbitration sa mga alitan o hindi pagkakasundo at mga personal na pagtugon sa mga usapin sa serbisyo sibil, at nagdaraos ng mga career service examination para sa mga nais maglingkod sa gobyerno.
Tumanggap ang CSC ng apat na Trailblazer Awards sa ilalim ng Performance Governance System, ang ISO 9001:2008 para sa limang pangunahing proseso nito, at ang parangal na People Manager of the Year in the Public Sector. Ito ang unang ahensiya ng gobyerno sa Southeast Asia na pinagkalooban ng Investors in People standard level accreditation para sa mahusay na pangangasiwa sa mga kawani.