Nakapasok na rin sa wakas sa win column ang season host University of Santo Tomas matapos nilang gapiin ang University of the Philippines, 80-73, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 79 Women’s Basketball Tournament sa Smart-Araneta Coliseum.

Pinangunahan ni Angel Anies ang lahat ng scorers matapos magtala ng 23 puntos para giyahan ang Tigresses sa una nitong tagumpay matapos ang tatlong laban.

Sumunod naman sina Misaela Larosa at Candice Magdaluyo na kapwa tumapos na may tig-15 puntos.

Naipakita ng Tigresses ang larong hinahanap sa kanila sa nagdaan nilang dalawang laban, ayon kay coach at dati ring Tigress Haydee Ong.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Yung intensity namin sa depensa kasi we’ve caused yung sa UP a lot of turnovers and I think more pa dapat yung depensa especially sa Wednesday, La Salle kalaban namin,” ani Ong.

Buhat sa 35-42 na pagkakaiwan sa halftime, nagsimulang magpakita ng kanilang bangis ang Tigresses sa second half at nakuha nilang dumikit sa iskor na 51-54 hanggang sa tuluyan nilang maitabla ang laro matapos ang basket ni Jhenn Angeles.

Mula doon ay naging dikdikan na ang laban hanggang sa umagwat ang Tigresses sa 73-69 kasunod ng tres na ipinukol ni Anies mahigit isang minuto sa nalalabing oras.

Huling dumkit ang UP sa pamamagitan ng dalawang freethrows ni Maan Wong bago bumitaw ulit ng isang tres si Anies na sinundan ng freethrows ni Magdaluyo para selyuhan ang panalo.

Dahil sa pagkabigo, nanatiling winless ang UP makaraan ang tatlong laro. (Marivic Awitan)