PINAG-IINGAT nang husto ang sikat na aktor sa kanyang kalusugan dahil anytime ay puwedeng bumalik ang karamdaman niya na hindi dapat mangyari dahil marami siyang bayarin.
Pero kung pagmamasdan ang sikat na aktor ay hindi mo aakalaing may malubha pala siyang karamdaman lalo’t endorser siya ng mga healthy product at kung anik-anik pa.
Bawal sa sikat na aktor ang mapagod at mapuyat nang husto, kaya pala minsan may mga showbiz event na wala siya at ang laging katwiran ng mga taong namamahala ng kanyang career ay ‘nagpapahinga’.
Siyempre hindi tanggap ng mga hindi nakakaalam ang alibi na nagpapahinga lalo’t committed ang sikat na aktor sa mga showbiz event na kailangan niyang daluhan.
Pero walang magagawa ang lahat, lalo na ang namamahala sa career ng sikat na aktor dahil kung pipilitin nilang daluhan lahat ng events ay baka sa hospital ang bagsak niya.
Pero marunong mag-ingat at mag-alaga ng sarili ang sikat na aktor dahil kapag nakaramdam na siya ng hindi maganda ay agad nagsasabi at nagpapaalam na, na kailangan na niyang umuwi.
Mahusay ang taong gumagabay sa sikat na aktor dahil lahat ng kinikita niya ngayon ay napupunta sa maayos at magandang investment.
Bukod dito ay kayod marino siya dahil sobrang laki ang binili niyang bahay para sa kanya kasama ang pamilya niya. (Reggee Bonoan)