pckf-team3-copy

Pinuri at pinasalamatan mismo ni Philippine Ambassador to Moscow, Russia Carlos Sorreta ang lumahok na Philippine Dragonboat Tem na nagwagi ng tatlong ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa ginanap na International Canoe Federation (ICF) World Dragon Boat Championships.

Sinabi ni Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) president Jonne Go na personal na nagpasabi ng kanyang pasasalamat ang butihing Ambassador ng Pilipinas dahil sa karangalan at respeto na ibinigay ng tagumpay sa mahigit na 4,000 Filipino na nagtatrabaho sa Russia.

Ikinatuwa rin ng Ambassador to Russia ang ginawa ng pambansang koponan na magbaon kada isang miyembro ng isang kilong bigas at noodles sa pagtungo nito para lumahok sa Russia.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Nagbabaon kami kada miyembro ng isang kilong bigas na may kasamang noodles sa bagahe namin kaya parang hindi rin kami umalis sa Pilipinas,” sabi naman ni PCKDF national head coach Lenlen Escollante. “Mahirap kasi doon walang kanin kaya kami na mismo ang nagdadala,” sabi pa nito.

Ipinaliwanag pa ni Escollante na ang pamilyar na pagkain ng mga Pinoy ang nagpapanatili sa kanila sa magandang kundisyon at naiiwasan ang problema sa sakit ng tiyan sa pagsasagwan.

Ipinamalas din ng koponan ang pagiging malikhain matapos na maglagay ng mga towels sa cooler na may mainit na tubig kung saan bawat miyembrong paddler ang nagpapahid bago sumakay sa bangka upang maiwaksi ang matinding lamig sa Russia na 5-10 degrees.

Agad naman babalik sa matinding pagsasanay ang koponan para sa nalalapit na pagsabak sa Asian Dragon Boat Championships sa Nobyembre at ang matinding 2018 Asian Games.

“Inaasahan namin na mas matindi ang susunod na kampanya dahil doon pa lang sa Moscow ay ini-scout na kami ng mga kalaban. May isa nga na bansa na naglagay pa ng camera sa bangka namin para makita ang stroke at style natin,” sabi pa ni Escollante. (aNGIE OREDO)