Tinukoy ni Manila Mayor Joseph Estrada na ang mga guro ang totoong ‘superheroes.’

Ang pahayag ni Estrada ay ginawa, kasabay nang selebrasyon ng National Teachers’ Month sa bansa.

Kasabay nito, nangako si Estrada na mas marami pang benepisyo ang matatanggap ng mga guro sa Maynila mula sa pamahalaang lungsod ngayong nakabawi na ito sa P5.5-bilyong pagkakautang na iniwan ng nakaraang administrasyon.

“Kung meron kayong ilalagay sa pedestal, unahin ang mga guro. Sila ang tunay na bayani ng ating bansa,” ani Estrada.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

“Real superheroes don’t wear capes, they teach,” dagdag pa niya.

Ayon kay Estrada, hindi sapat na papurihan lang ang mga guro dahil mas higit nilang kailangan ang suporta ng bansa at ng pamahalaan.

“Habang ako ang mayor ng Maynila, magsisikap akong maibigay ang lahat ng pangangailangan ng ating mga guro. While they are not in it for the income, they deserve the best they could have,” dagdag pa niya.

Nabatid na noong umupo si Estrada nitong 2013, tinaas niya ang monthly allowance ng mga guro mula P2,000 sa P3,000.

Nitong Abril naman ay namahagi din siya ng computer tablets sa 11,000 guro sa lungsod upang mapadali ang kanilang pagtuturo.

Bukod pa dito, sinagot din ni Estrada ang lahat ng gastos sa leadership training seminar na dinaluhan ng mga guro na nagkakahalaga ng P1.14 milyon. Noong nakaraang administrasyon, dumudukot pa ang mga guro sa sarili nilang bulsa upang makadalo lamang sa mga ganitong seminar.

Naglaan din si Estrada ng P2 bilyon sa Special Educational Fund (SEF) bilang pagtustos sa mga programa at proyekto para sa edukasyon sa Maynila.

Matatandaang idineklara ng dating pangulong Noynoy Aquino ang Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 bilang National Teachers’ Month bilang pag-alala at pagkikilala sa malaking kontribusyon ng mga guro sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.

Ang Oktubre 5 naman ay ang World Teachers Day na prinoklama naman ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Nabatid na ang tema ng National Teachers’ Month ngayong taon ay “Guro, Kabalikat Sa Pagbabago.” (Mary Ann Santiago)