Nanakit ang dibdib at nahirapang huminga hanggang sa tuluyang nalagutan ang isang bilanggo matapos umanong daganan ng kanyang kakosa na sinasabing may topak sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Mario Sunga Santos, 48, ng 1253-B Sevilla Street, Tondo, na nakulong sa kasong extortion at usurpation of authority.

Sa ulat ni Police Supt. Romeo Odrada, station commander ng MPD-Station 9, dakong 3:00 ng madaling araw kahapon nang iparating ni Joseph Taco, isa sa mga bilanggo, kay desk officer PO2 Dean Mark Regala na dumadaing si Santos ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga.

Kaagad naman umanong isinugod ng deputy station commander na si Police chief Insp. Romeo Salvador si Santos sa Ospital ng Maynila ngunit huli na ang lahat.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon sa ilang mga bilanggo, walang kaaway si Santos sa kanila, subalit madalas daw itong i-bully ni Noriel Orbeta, alyas Weng-Weng, na sa hinala nila ay wala na sa katinuan.

Palagi umanong dinadaganan ni Weng-Weng si Santos, inuupuan sa dibdib at minsan ay binabalutan pa ng tela ang mukha habang natutulog.

Kaugnay nito, nagmamakaawa ang mga preso sa pamahalaan na solusyunan ang kanilang problema sa mala-sardinas nilang kalagayan sa selda, kung saan 43 lalake ang nagsisiksikan sa iilang metro kuwadradong piitan.

Ayon sa kanila, hirap silang makahinga sa loob na posibleng isa sa dahilan ng pagkamatay ni Santos.

(Mary Ann Santiago)