“Iparating niyo ito sa mayor n’yo!!! Magbago na siya, wag niya pahirapan mga tao, may iniwan kaming mga bomba sa CR ng city hall at ilang minuto na lang pasasabugin na namin ‘yun. Isa itong wake up call para tumino ang Pasay, uulitin ko ilang minuto na lang sasabog na ang bomba sa city hall hindi ito isang biro.”

Ito ang mensaheng natanggap ng isa sa mga staff ng Pasay City Hall nitong Biyernes ng hapon na sinasabing ikalawang kaso ng bomb threat na kanilang natanggap ngayong linggo.

Kinilala ni Senior Police Officer 1 Joel Landicho, case investigator, ang staff na nakatanggap ng naturang pagbabanta na si Rollete Regazpi, 36, ng No. 79 Sampaguita Street, Barangay 137, Zone 15, Pasay, at isa sa mga staff ni Pasay City Congresswoman Emi-Calixto Rubiano.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 1:30 ng hapon, bumibiyahe si Regazpi patungong city hall matapos kumain ng pananghalian sa isang mall nang matanggap niya ang bomb threat.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Agad itong ipinaalam ni Regazpi, kasama ang apat niyang katrabaho, sa sekretarya ni Rubiano at ini-report sa mga awtoridad.

Mabilis na rumesponde ang elemento ng Special Weapons and Tactics-Explosive Ordnance Disposal (SWAT-EOD) ng city police at ginalugad ang gusali, lalo na ang lahat ng banyo, ngunit walang natagpuang bomba o kahit anong uri ng improvised explosive device (IED).

Idineklarang ligtas ang nasabing lugar dakong 2:55 ng hapon, ayon kay Landicho.

Ayon kay Senior Insp. Allan Renier Cabral, chief ng Pasay SWAT-EOD, ito na ang ikalawang beses na nakatanggap ng bomb threat ang city hall sa loob ng isang linggo.

“Last Wednesday (Setyembre 14), may natanggap din ‘yong isang staff ng city hall na bomb threat through text message din. Pero wala naman kaming nakita after the search,” pahayag ni Cabral.

“Pero hindi kami nagpapabaya kasi mahirap na. So strict implementation pa rin ng security measures lalo na matapos ‘yong nangyari sa Davao,” dagdag ni Cabral. (MARTIN A. SADONGDONG)