ILANG taon na ba si Alora Sasam? Akalain mo, no boyfriend since birth pala ang komedyanang ito na kinaiinggitan ng maraming kapwa artista dahil kaliwa’t kanan ang projects kasama na ang My Rebound Girl na pinagbibidahan nina Joseph Marco at Alex Gonzaga produced ng Regal Entertainment.
Bagamat hindi pa siya nagiging bida o leading lady, sangkaterba naman ang nagiging projects niya tulad ng The Bride and the Lover (2013) nina Lovi Poe, Paulo Avelino at Jennylyn Mercado; Regal Shocker TV series (2012); Dilim nina Rayver Cruz at Kylie Padilla (2014), kaya masasabing paborito siya nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde–Teo.
Napasama rin siya sa pelikulang Ekstra ni Cong. Vilma Santos (2013); Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo (Star Cinema, 2013) nina Kim Chiu at Xian Lim.
Regular din siyang napapanood sa Wansapanataym; at kasama sa Luv U episodes (2013-2016); Ipaglaban Mo; Mirabella at Maalaala Mo Kaya at huli siyang napanood sa indie film na Pamilya Ordinaryo na kasama sa Cinemalaya 2016.
Nakakaapat na taon pa lang sa showbiz si Alora, pero tambak na ang laman ng kanyang filmography.
Masyadong busy si Alora kaya siguro wala siyang panahon sa love life.
“No boyfriend po talaga since birth,” sabi ng dalaga, “kahit nga ma-rebound man lang wala talaga.”
Hindi ba siya naiinggit sa mga kasama o kaibigan niya na may boyfriend na?
“Naku, sa Facebook pa lang sila nakakatatlong anak na, at ‘yung iba may nagpa-ultra sound pa, ako ni first kiss wala pa,” sagot ni Alora. “May inggit pero sa totoo lang, hindi pa priority talaga, ha-ha-ha! Ganu’n na lang nasabi ko, ‘no? Walang choice, eh. Mahirap maging babae kasi naghihintay ka (ng manliligaw) lalo na sa culture natin.
“Kung naging lalaki ako, matagal na ako sigurong may dyowa. Kaya ang hirap talaga, kasi ‘yung mga nagugustuhan ko, walang gusto (sa akin), alam mo ‘yun?” birong–seryosong sabi ni Alora.
Hindi ba niya sinubukang siya na lang ang manligaw sa napupusuan niya?
“Na-try ko naman sa crush ko, dinadaan ko sa Facebook, pini-PM (private message) ko, sabi ko, ‘hi…,’ ganyan. Pero mga two days na siyang online, seen-zone pa rin ako, ha-ha-ha. Medyo may pride naman ako kaya tama na ‘yung ‘hi’ muna,” pag-amin ng dalaga.
Pero hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil ang peg niya ay, “Meron namang Mamang Pokie (Pokwang) na idol ko rin na pinaghuhugutan ko rin ng lakas, kasi nakahanap na si Mamang, sana makahanap din ako.
“Ang sabi nila, baka raw foreigner ang bagay sa akin, medyo choosy ang Pinoy. Sa foreigner, maganda ako, exotic, kaso nandito ang trabaho, hindi naman ako makapag-travel kaya ipon muna, ‘tapos travel saka love life, charing!” masayang pahayag ni Alora.
Baka hindi pa lang talaga nakikilala ni Alora ang ka-red string niya kaya wala pa at naniniwala naman kami na mayroong tamang lalaki para sa kanya. (REGGEE BONOAN)