Pinayuhan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kritiko na tutol sa pagpapaliban sa 2016 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na idulog ang kanilang reklamo sa Supreme Court (SC).
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hindi naman ito ang unang pagkakataon na ipinagpaliban ang halalan sa bansa, ngunit mas magandang iakyat na lamang ito sa mataas na hukuman upang kaagad na madesisyunan.
“Siguro maganda na idulog nila sa Korte Suprema at nang madesisyunan,” ani Bautista.
Nauna rito, nagpasa ang dalawang kapulungan ng Kongreso ng panukala na ipagpaliban ang BSKE sa Oktubre 23, 2017, mula sa orihinal na petsa nito na Oktubre 31.
Marami naman ang kumukuwestiyon sa constitutionality ng naturang pagpapaliban, dahil magiging dahilan umano ito nang pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials. (Mary Ann Santiago)