MATAPOS niyang sabihin na dapat na tutukan ng United States ang sarili nitong problema at tigilan na ang pagbatikos sa kanyang kampanya laban sa droga dahil may sarili namang suliranin sa karapatang pantao ang Amerika, muling nagpasimula ng kontrobersiya si Pangulong Duterte tungkol sa ugnayan ng bansa sa dati nitong mananakop.
“These US special forces (in Mindanao) — they have to go,” sinabi niya sa pakikipagpulong niya sa ilang opisyal ng gobyerno sa Malacañang. “The people will become more agitated if they see an American. They will really kill him.”
Ipinakita rin niya ang mga litrato, na aniya’y mula sa US archives, at inilahad kung paanong minasaker ng tropang Amerikano ang nasa 700 lalaki, babae at batang Moro sa bunganga ng bulkan sa Bud Dahu sa Jolo noong 1906.
Gaya ng mga dati nang pahayag ni Pangulong Duterte, nagkaroon din ng iba’t ibang interpretasyon ang pahayag niyang ito. Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang pahayag ng Pangulo ay isa lamang “babala” sa panganib na hinaharap ng mga sundalong Amerikano na nasa Mindanao. Idinetalye niya ang mga kalupitang ginawa ng tropang Amerikano laban sa mga Muslim upang ipaliwanag ang nananatiling matinding galit ng mga Muslim laban sa mga ito. “In other words, he is giving a broad historical landscape, a historical cultural landscape which is giving us a perspective on why there is such a conflict,” ani Abella.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang ugnayang depensa ng Pilipinas at Amerika ay nananatiling matatag — “rock-solid”—at ang “US is really our ally.” Umiiral pa rin ang Mutual Defense Treaty na nilagdaan noong dekada ’50, aniya. Ngunit sinabi niyang kakausapin pa niya ang Pangulo kung ano ba talaga ang ibig nitong sabihin sa ipinahayag.
Inihayag naman ni State Department Spokesman John Kirby na patuloy na igagalang ng Amerika ang alyansa nito sa Pilipinas. Wala silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon mula sa Pilipinas kaugnay ng naging pahayag ni Duterte, kaya patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga kapwa nila opisyal sa ating bansa. Natural lamang na maapektuhan ang mga Amerikano sa huling inihayag ni Pangulong Duterte, ngunit mahalaga ring ikonsidera nila na maging ang mga opisyal ng Gabinete ay hindi rin nakatitiyak sa kahulugan ng naturang pahayag at kung ano ang magiging kahihinatnan nito.
Sa paggunita sa mga kalupitang ginawa noong Philippine-American War, ibinunyag ni Pangulong Duterte ang isang bahagi ng ating kasaysayan na matagal nang natabunan sa mga libro ng ating kasaysayan. Ginamit niya ang matagal nang nalimutang panahon upang isulong ang kanyang pangunahing layunin—isang nakapagsasariling foreign policy, isang hindi masyadong nakadepende sa Amerika. Hindi pa ito isang pambansang polisiya, gaya ng sinabi ni Abella, ngunit ito ang gusto ni Duterte para sa bansa.
Sa puntong ito, marami sa bansa ang maaaring hindi sumusuporta sa opinyong ito, dahil sa labis na pagiging malapit ng gobyerno at mamamayan ng Amerika sa atin. Walang masyadong kaibahan ang pamahalaan at pulitika ng Pilipinas sa Amerika. Ginaya natin ang malaking bahagi ng lipunan, ekonomiya at kultura ng Amerika. Makikita natin ang mga eroplano at barkong pandigma ng Amerika bilang ating kaalyado sa anumang hindi pagkakasundo sa Asia. Maraming pamilyang Pilipino ang may kaanak na nag-aaral, nagtatrabaho o naninirahan sa Amerika hanggang ngayon.
Sa mga susunod na linggo at buwan at taon ng kanyang administrasyon, isusulong ni Duterte ang layunin niyang maging mas independent ang Pilipinas sa komunidad ng mga bansa. Dahil sa ating kasaysayan—50 taon ng pananakop ng Amerika na nagsilbi ring suporta sa atin, na sinundan ng pagiging magkaalyado noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig—nanatili tayong malapit sa Amerika.
Maaaring hindi pa tayo handa na magkaroon ng sarili natin at tunay na independent foreign policy, ngunit maaari nating subukang maging “less dependent” sa Amerika, gaya ng paliwanag ni Presidential Spokesman Abella sa naging pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa tropang Amerikano sa Mindanao.