Mga laro ngayon
(Alonte Sports Center)
4:30 p.m. Blackwater vs. San Miguel Beer
6:45 p.m. Talk ‘N Text vs. Ginebra
Selyuhan ang ikalawang puwesto sa quarterfinals ang tatangkain ng crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel sa pagsagupa sa league leader Talk ‘N Text sa pagtatapos ngayon ng eliminasyon ng 2016 PBA Governors Cup sa Alonte Sports Center sa Binan.
Nagtala ng apat na sunod na panalo ang Kings matapos huling mabigo sa defending champion San Miguel Beer noong Agosto 14 sa larong nagtapos sa double overtime, 105-111. Huli nitong binigo ang Phoenix Fuel Masters noong Biyernes sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Manalo’t matalo ay wala naman mawawala sa Kings kahit pa magpantay sila ng Beermen na lalaban naman sa unang laro kontra napatalsik na Blackwater at gayundin sa Tropang Texters na nasa top 4 at may hawak na bentaheng twice-to-beat papasok sa quarterfinals.
Magsasagupa ganap na 4:30 ng hapon ang Elite at Beermen, habang magkikita ganap na 6:45 ng gabi ang Tropang Texters at Kings.
Tiyak na gagamitin na lamang ng tatlong koponan ang nasabing mga laban upang makapaghanda sa kanilang pagsalang sa quarterfinals.
Sakaling kapwa manalo ang Beermen at matalo ang Kings, ang Beermen ang magiging No. 2 at makakalaban ang No. 7 seed team habang bababa naman ang King sa third spot at makakatapat ang ookupa sa No. 6 squad.
Sa kasalukuyan ay may 3-way tie sa pagitan ng Meralco, Mahindra at Alaska sa No. 4 hanggang No. 6 spots na may magkakaparehas na kartadang 6-5 panalo-talo, habang may 3-way tie din sa 7th to 9th spot sa pagitan ng NLEX, Phoenix at Rain or Shine na bibit ang 5-6 panalo-talong karta.
Reresolbahan ang 3-way tie kung saan ang team na may pinakamababang quotient ay siyang bababa, habang ang dalawang maiiwan ay magtutuos sa playoff para sa kanilang final placing sa top 8. (mARIVIC AWITAN)