Isang bala mula sa tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ang naglagos sa ulo at nakapatay sa isang lalaki na umano’y kasapi ng isang gun-for-hire group na nang-hostage umano ng dalawang katao, kabilang ang kanyang nobya, nang tangkain siyang arestuhin sa pagpatay sa isang traffic enforcer sa Carcar City, Cebu, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang napatay na si Vincent Saducas, alyas Bimboy, na binaril ng mga tauhan ng SWAT ng Carcar City Police Office (CCPO) sa Barangay Valencia, Carcar City.

Sa report na natanggap ng Camp Crame mula sa Police Regional Office (PRO)-7, nagsagawa ng pagsalakay ang pulisya laban sa suspek dala ang warrant of arrest kaugnay ng pagpatay sa isang traffic enforcer, sa Sitio Tubod, Bgy. Valencia, Carcar City.

Namataan ng suspek ang pagdating ng mga pulis kaya hinostage umano niya ang kasintahan at kapatid upang hindi siya madakip ng mga pulis.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nagbanta ang suspek na bibitiwan ang hawak na granada kaya naging mabilis ang pagkilos ng mga pulis at binaril sa ulo ang suspek, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay most wanted sa Carcar at isang miyembro ng gun-for-hire group. (Fer Taboy)