ISA sa mga angking talento ng ating mga kababayan ay ang pagtatahi, kapanalig. Ang talentong ito ay hindi lamang simpleng paggawa ng masusuot; ito ay isang sining, isang malikhaing gawain. Ito ay isang industriyang minsang namayagpag sa ating lipunan at nagbigay ng trabaho sa mahigit 600,000 mamamayan noong 2000 hanggang 2008. Pumangalawa rin ito noon sa mga pangunahing exports ng bansa.

Ayon nga sa isang pag-aaral sa La Salle noong 2008 (DLSU-AKI Working Paper Series 2008-09), ang ambag ng industriya sa total exports ng bayan noong 1990s ay one-fifth ng total exports ng bayan. Noong 1995, umabot pa ito ng $2.570 billion. Nakalulungkot na nakaranas ang industriya na ito ng panghihina noong nakaraang mga taon. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, ang garments industry sa ating bansa ay nagsimula noong 1950s pa.

Sa haba ng panahong ito, inaasahan sana na mas lalakas pa ang industriya, kaya nga lamang, maraming salik ang nakakaapekto sa paglago nito.

Una na rito ang pagtanggal ng mga quota for production sa pandaigdigang kalakalan ng pananamit. Malaki rin ang epekto ng paglakas ng produksyon ng mga damit sa ibang bansa, partikular na ang China. Maliban sa bilis at dami ng produksyon, mura rin ang bentahan dito. May epekto rin ang gastos mula sa enerhiya at transportasyon sa ating bansa.

Dumadagdag kasi sa overhead cost ng mga negosyante ang taas ng presyo ng kuryente at transportasyon. Kapanalig, ang ating bansa ay isa sa may pinakamataas na electricity cost sa Asya. Ang pagpapadala ng mga apparel para sa export o local selling ay mataas din sa ating bansa, lalo pa’t tayo ay isang archipelago. Imported din kapanalig, ang karamihan sa ating raw materials, na nagpapataas din sa gastos para sa produksyon.

Umaasa ang maraming Pilipino na makilala ulit ang kalidad ng garments na gawa sa ating bayan. Ang dami ng ating mga mahuhusay at talentadong manggagawa. Ngunit dahil sa panghihina ng sektor, iniwan na ng marami sa kanila ang garments industry upang maghanap ng mas mataas na kita sa loob at labas ng bayan.

Ang pangangalaga at pagbibigay atensiyon sa ating garments industry ay pangangalaga rin sa maraming pamilyang Pilipino. May pag-asa pa upang makita ng mundo ang mga world class garments sa ating bayan, kung bibigyan lamang ng suporta ang industriya. Sana’y magkaroon ng mga polisiya na muling gigising sa nahimbing na industriya ng garments sa ating bayan.

Ang pag-alaga sa mga industriya ng bayan ay pangangalaga rin at pagkikila sa karapatan ng tao na magkaroon ng disenteng trabaho. Ang panlipunang turo ng Simbahan ay maraming gabay ukol sa mga isyung gaya nito. Ayon sa Rerum Novarum, “Ang tunay na hustisya ay nangangailangan ng pagkalinga at pagbabantay ng administrasyon sa mga manggagawa.

Sa ganitong paraan, nakakabahagi sila sa bunga ng industriya na sama-sama nilang nililikha.” Ang pagkalinga natin, kapanalig, sa mga industriya gaya ng garments, ay paniniguro rin na umaabot ang paglago ng ekonomiya sa mga maralitang manggagawa.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)