ANG Independence Day ay bahagi ng Fiestas Patrias ng Chile, na ipinagdiriwang tuwing Setyembre 18 (Dieciocho), bilang paggunita sa proklamasyon ng First Governing Body of 1810, na nagbigay-daan sa pagsisimula ng proseso ng kalayaan ng mga Chilean; at Setyembre 19, ang “Day of the Glories of the Army.” Bagamat opisyal na nagdeklara ng kalayaan ang Chile mula sa Spain noong Pebrero 12, 1818, at pormal itong kinilala noong Abril 25, 1844, naging tradisyon na ng mga Chilean na ipagdiwang ang Independence Day tuwing Setyembre 18, ang araw noong 1810 nang maitatag ang First Government Junta at nagsimula ang digmaan para sa pagsasarili.

Kabilang sa mga kaganapan para sa Independence Day ang Te Deum Ecumenico de Fiestas Patrias na taun-taong idinaraos simula noong 1811 nang pasimulan ni Jose Miguel Carrera ang selebrasyong ito. Ang aktibidad na ito ay inorganisa ng Simbahang Katoliko at pinangunahan ng mga Arsobispo ng Santiago. Noong 1971, sa kahilingan ni President Salvador Allende, ang nasabing aktibidad ay naging ekumeniko. Nagsasagawa rin ng parada ang militar at ang mga eskuwelahan sa araw na ito sa mga pangunahing siyudad at bayan sa bansa. Maraming Chilean ang bumibiyahe tuwing Fiestas Patrias upang bisitahin at kumustahin ang kanilang pamilya, mga kaibigan at mga kaanak sa ibang panig ng bansa at makisaya sa mga selebrasyon para sa okasyon. Tuwing Setyembre 19, ang araw pagkatapos ng Independence Day, idinadaos naman ang grand finale ng mga selebrasyon para sa Araw ng Kalayaan. Nagtatapos ito sa Great Military Parade ng Chile, na pinamumunuan ng Sandatahang Chilean sa O’Hinggins Park sa Santiago.

Naitatag ang pormal na ugnayan ng Chile at Pilipinas noong Hulyo 4, 1946, ang araw na opisyal na nakamtan ng Pilipinas ang kasarinlan nito mula sa United States. Simula noon, salitan nang bumisita sa dalawang bansa ang mga opisyal nito. Ang huli ay noong Nobyembre 16, 2015, nang magsagawa ng state visit si Chilean President Michelle Bachelet bilang bahagi ng mga aktibidad para sa Asia-Pacific Economic Cooperation Economic Leader’s Summit sa Maynila. Nakipagpulong siya noon kay Pangulong Benigno S. Aquino III at sinaksihan ng dalawang pinuno ng estado ang paglagda sa ilang kasunduan sa pagbabawas ng panganib sa mga kalamidad at pagtutulungan sa panahon ng emergency, at upang mapasigla pa ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Chile. Ang Chile ay may embahada sa Maynila at ang Pilipinas ay may embahada naman sa Santiago.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republic of Chile, sa pangunguna ni President Michelle Bachelet, sa pagdiriwang nila ng Fiestas Patrias 2016.