Hindi matanggap ng isang tricycle driver na ipinagpalit na siya ng dati niyang kinakasama dahilan upang pagbabarilin niya ang bago nitong kinakasama sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dalawang tama ng bala ng baril ang ikinamatay ni Jefferson Guban, 22, delivery boy, ng 555 Peralta Street, Balut, Tondo, Maynila.
Samantala, sugatan naman ang suspek na si Jerry Manding, 42, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at residente ng 154 Banahaw St., Tondo, Maynila makaraang kuyugin ng mga tao at tarakan ng ice pick.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:00 ng gabi nangyari ang insidente.
Galing umano ang biktima sa trabaho at papauwi na sa kanilang bahay sakay sa bisikleta, kasama ang kaibigang si Arthur Aquino, nang harangin sila ng suspek na armado ng baril.
Kaagad umanong bumaba sa bisikleta ang biktima at nilapitan ang suspek at nakipag-agawan ng baril hanggang sa makarinig ng dalawang putok at duguang bumulagta ang biktima.
Sinasabing nagawang patayin ni Manding ang biktima dahil hindi niya matanggap na ipinagpalit na siya ng dating kinakasamang si Michelle Garcia, 32, at lima nilang anak, sa lalaking mas bata sa kanya. (Mary Ann Santiago)