UNITED STATES (AFP) – Isang kabataang babae na Iraqi na dating sex slave ng mga mandirigma ng Islamic State (IS) ang naging United Nations UN goodwill ambassador nitong Biyernes para sa dignidad ng mga nakaligtas sa human trafficking.
Umapela ng katarungan si Nadia Murad Basee Taha, isang 23-anyos na babaeng Yazidi, para sa mga biktimang grupong jihadist at iginiit na ang pag-atake sa mga Yazidi noong 2014 ay dapat na ituring na genocide.
Mula sa kanyang bayan sa Kocho malapit sa hilagang bayan ng Iraq na Sinjar, dinukot si Murad noong Agosto 2014 at dinala sa teritoryo ng IS na Mosul, kung saan siya halinhinang hinalay, at ibinenta at nabili nang maraming beses.
“I was used in the way that they wanted to use me. I was not alone,” pagsasalaysay ni Murad sa seremonyang idinaos sa UN headquarters. “Perhaps I was the lucky one. As time passed, I found a way to escape where thousands others could not. They are still captive.”
Nanginginig ang boses, nanawagan si Murad para sa pagpapalaya sa nasa 3,200 kababaihang Yazidi na nananatiling sex slave ng mga miyembro ng IS, at para papanagutin ang mga mapang-abusong terorista.
Sa pagtitipun-tipon ng mga pinuno ng mga bansa sa United Nations ngayong linggo para sa taunang General Assembly debate, maglulunsad bukas ang Iraq at Britain ng kampanya upang papanagutin ang IS sa sangkaterbang krimen na ginawa ng mga ito.