TUGUEGARAO CITY – Nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panglalawigan ng Batanes dahil sa matinding pinsalang idinulot sa isla ng bagyong ‘Ferdie’.
Batay sa taya ng mga opisyal ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 2, aabot sa P37 milyon ang halaga ng mga pananim na napinsala ng bagyo.
Hindi pa natutukoy ng OCD ang halaga ng pinsala ng Ferdie sa imprastruktura, ngunit nabatid sa pag-iinspeksiyon na nasira rin ng bagyo ang ilang gusali ng gobyerno, mga simbahan, maraming bahay at itinumba ang ilang poste ng kuryente.
Tinaya ni OCD-Region 2 Director Norma Talosig na aabutin pa ng dalawa hanggang tatlong linggo bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa lalawigan.
Umaapela ang mga residente ng Batanes para sa malinis na tubig, pagkain, water pump, generator, yero at iba pang construction materials, ayon kay Talosig.
Tiniyak naman kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na agad nitong hahatiran ng tulong ang mga sinalanta ng bagyo sa Batanes.
Sa kumpirmasyon ng Philippine Air Force at kung maaliwalas ang panahon, umaasa si DSWD Secretary Judy Taguiwalo na maie-airlift na ang relief goods sa C130 patungong Batanes ngayong Linggo.
Ihahatid ng DSWD ang 20,000 ready-to-eat brown rice bar, 800 family food pack, 5,000 Malong, 5,000 bote ng tubig, tatlong unit ng generator, 40 rolyo ng lubid, at 30 rolyo ng laminated na sako.
Batay sa huling datos dakong 6:00 ng umaga kahapon, 2,710 pamilya (10,344 katao) mula sa Regions 1 (Ilocos Region) at 2 ang inilikas dahil sa Ferdie, at 20 pamilya (151 katao) ang nasa tatlong evacuation center pa sa Basco, Batanes; habang 2,651 pamilya (10,063 katao) ang pansamantalang nakikituloy sa mga kaanak o kaibigan.
(PNA at Ellalyn B. De Vera)