KATATAPOS lang gumawa ng kasaysayan sa Philippine cinema sa pagkapanalo ng prestihiyosong Golden Lion for Best Film sa Venice Film Festival, muling gumawa ng ingay mula sa film critics ang pelikulang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) sa North American premiere nito sa Toronto International Film Festival.
Sa review na isinulat ni Lorenzo Esposito ng Cinema Scope, aniya, “If there’s someone who thinks that The Woman Who Left is a minor Lav Diaz film — because it’s the second one this year, or because, at 227 minutes, it’s ‘short’ for him — let’s say up front that this is one of his best.”
Binigyan naman ni Ben Nicholson ng Cine Vue ng four out of five stars ang pelikulang prinodyus ng Cinema One Originals at Sine Olivia at inilarawan pa ang pagganap ng lead star na si Charo Santos bilang “incredible” at “magnetic.”
Sa isang interview pagdating niya sa Toronto, ipinahayag ni Charo kung gaano siya kasaya para kay Lav at sa Golden Lion award.
“Nakaka-proud, nakakatuwa and I am very happy for Lav Diaz. He really deserves this. Nu’ng nag-usap kami noong Marso, sabi namin gagawa lang kami ng pelikula. We will just going to have fun. But this is more than just having fun. This is a great adventure and really a most unforgettable moment,” sabi ni Charo.
Nag-uumapaw rin sa kasiyahan si Ronald Arguelles, ang Cinema One head at isa sa producers ng pelikula sa hindi inaasahang panalo.
“Napakasaya namin na nanalo tayo ng Golden Lion. Achievement na ‘yun pa lang. Hindi namin inaasahan na ang isang maliit na pelikula ay mananalo ng ganito kalaking award,” sabi niya.
Kasama si Ronald sa kumatawan sa pelikula sa Venice Film Festival at inilarawan niya ang internationally-acclaimed director bilang film ‘rock star.’
Tampok sa Ang Babaeng Humayo ang kuwento ni Horacia (Charo), isang babaeng nais maghiganti nang lumaya mula sa pagkakakulong sa loob ng ng napakahabang panahon dahil sa isang krimen na hindi niya ginawa.
Ito rin ang nagsisilbing pagbabalik-pelikula ng former ABS-CBN president at ngayon chief content officer na si Charo at prinodyus bilang opening films sana ng Cinema One Originals independent film competition para sa taong ito.
Umaasa si Ronald na makakatulong ang Golden Lion award para makalikha pa ng mga de-kalibreng pelikula ang Cinema One.
“Mayroon tayong worldwide distributor ng ating mga pelikula, ang Films Botique. Tiyak makakatulong ang karangalang dala ng Golden Lion para mas maibenta nila ang ating mga titulo nang sa gayon ay maka-produce pa tayo ng mga ganitong films. Makakatulong din ito para maka-partner natin ang malalaking filmmakers para gumawa ng proyekto,” ani Ronald.
Kinumpirma rin niya na ipapalabas ang Ang Babaeng Humayo sa mga sinehan sa Pilipinas at ipapahayag na lamang nila kung kailan ang final playdate.
Bukod sa cinematic masterpiece ni Lav at pagbabalik-pelikula ni Charo, dapat ding abangan ng mga manonood ang mapanghamong pagganap ni John Lloyd Cruz bilang trans prostitute na si Hollanda.
Inilarawan ni John Lloyd ang kanyang karakter sa panayam sa kanya ng TV Patrol.
“Nagbibihis babae s’ya. Pero ‘di siya operada. Si Hollanda ay binago ng character ni Ma’am Charo sa story,” aniya.
Binalikan din niya ang kanyang Venice filmfest experience at ibinahagi ang madamdaming sandali roon.
“I was trying my best na hindi pumatak ang luha ko. Pero I can’t help but be really emotional. For me it’s a defining moment for PH cinema. Nilapitan din kami ng jury sa after party at sinabi how the film affected them,” kuwento ni Lloydie. (ADOR SALUTA)