Dalawang hinihinalang tulak ang napatay sa buy-bust operation sa loob ng isang nirerentahang kuwarto sa Quiapo, Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Dead on the spot sina Cali Abdulrahman, 27, at Cairo Tomas, 35, nang simulan umano nila ang pakikipagputukan sa mga operatiba ng Barbosa Police Community Precinct (PCP).

Ayon sa imbestigador na si PO3 Jorlan Taluban, ng MPD Homicide, nangyari ang insidente sa inuupahan nilang kuwarto sa 888 Diamond Lodge sa kahabaan ng Gunao at Norzagaray Street, dakong 1:20 ng hapon.

Base sa inisyal na imbestigasyon, isang undercover ang nakipagtransaksiyon sa dalawa.

'May milyonaryo ulit!' Lone bettor, wagi ng ₱15M sa Super Lotto 6/49!

Ngunit matapos iabot ng undercover ang P500 marked money, nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon.

Agad umanong pinaputukan nina Abdulrahman at Tomas ang pulis ngunit nakailag ang huli. Nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril, agad silang nagtungo sa kuwarto at tumulong.

Pinaputukan ng mga pulis ang mga suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

(Analou De Vera)